NITONG nakaraang buwan, nag-lapse into law o awtomatikong naisabatas ang tatlong panukala na nagsusulong sa paglilinang sa ating mga kabataaan, bilang mga susunod na lider ng darating na henerasyon.
Kabilang sa mga ito ang National Youth Day o Republic Act o RA 11913, ang RA 11915 o ang National Music Competitions for Young Artists (NAMCYA) at ang RA 11910 o ang Summer Youth Camp.
Tayo po ay nagpapasalamat at sa wakas ay ganap nang naging batas ang mga panukalang ito dahil malaki ang maitutulong nito para mas mahulma ang kakayahan ng kabataang Pilipino.
Sa totoo lang, sa mga prayoridad ng gobyerno, ang mga programa para sa ating mga kabataan ang napababayaan – napag-iiiwanan, ‘ika nga. Sa panahong ito na kailangang mapalakas natin ang kanilang presensiya, ang kanilang tinig at mabigyan ng kapangyarihan sa lipunan, dapat naman na magkaroon tayo ng batas na nagpapalakas sa kanilang hanay. Sila ang mga susunood na kakatawan sa bansa pagdating ng panahon, kaya ngayon pa lang, bigyan natin sila ng sapat na atensiyon para sa kanilang development.
Sa RA 11913 o itong National Youth Day Act, itatakda ang Agosto 12 taon-taon bilang National Youth Day sa bansa, kasabay ng International Youth Day na idineklara naman ng United Nations.
Sa ilalim ng batas na ito, hinihikayat natin ang educational institutions na magkaroon ng mga programa tulad ng leadership training, youth empowerment, workshops, basic mass integration at community immersion.
Sa ilalim naman ng RA 11915, itinatalaga ang National Music Competitions for Youth Artists (NAMCYA) bilang Philippine National Youth Development Program for Music na magsisilbing tulay sa pagdiskubre ng mga musical talent sa bansa; development ng mga musician; preservation, development and promotion ng Philippine music bilang isa pang anyo ng sining , at ang pagpapatuloy ng mga pananaliksik, documentation at publication ng Phiilppine music na ipakikilala sa mga paaralan at sa publiko.
Gagawin namang taon-taon na ang pagsasagawa ng Summer Youth Camp, ayon sa RA 11910. Sa pamamagitan naman nito, makikintal sa kamalayan ng mga kabataan ang pagmamalasakit sa komunidad, pagka-makabayan, pagsisilbi sa kapwa at ang paghulma sa kanilang kakayahan bilang isang pinuno. Ang pagsasagawa ng taunang Summer Youth Camp ay pangungunahan ng mga opisyal ng Sangguniang Kabataan na siyang mangangasiwa, magmo-monitor at susuri sa youth camps sa kani-kanilang mga nasasakupan.