ARESTADO ang isang security guard makaraang barilin ang isang lalaki na kanyang nakasagutan kahapon ng madaling araw sa Las Piñas City.
Kinilala ng Las Piñas police ang inarestong security guard na si Pablito Baculba, 56-anyos, residente of Las Piñas City.
Kasalukuyan namang nilalapatan ng lunas sa Las Piñas District Hospital dahil sa kanyang tinamong tama ng bala sa tiyan ang biktima na nakilalang si Michael Joquino, residente rin ng Las Piñas City.
Base sa imbestigasyon ng Las Piñas City police, nangyari ang insidente dakong alas-3 ng madaling araw sa STI Building namatatagpuan sa kahabaan ng Abel Nosce St., BF Resort Village, Barangay Talon Dos, Las Piñas City.
Ayon sa pulisya, sa hindi pa malamang dahilan ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo sina Baculba at Joquino kung saan napikon ang suspek sabay bunot ng kanyang .38 kalibre na service firearm at pinutukan ang biktima na tinamaan sa tiyan.
Isang saksi sa pangyayari ang nagbigay alam sa naturang pamamaril kung kaya’t agad na rumesponde ang pulisya na naging dahilan ng pagkakaaresto ng suspek.
Narekober sa posesyon ng suspek ang kanyang service firearm na kargado ng apat na bala at isang basyo ng .38 kalibre revolver.
Si Baculba ay kasalukuyang nakapiit sa Las Pinas police custodial facility habang kasong paglabag sa Comelec gun ban at frustrated homicide ang inihahanda laban sa kanya. MARIVIC FERNANDEZ