SAN JUAN CITY – ISANG security guard na sinibak sa trabaho matapos na mag-AWOL (absent without official leave), ang nag-amok, namaril ng kanyang kapwa security guard at nang-hostage ng nasa 30 employee ng shopping center sa Barangay Greenhill kahapon.
Habang isinusulat ang balitang ito ay kasalukuyan pang nakikipagnegosasyon ang awtoridad at hinihikayat na pasukuin ang suspek na nakilala lamang na si Archie Paray, 31, guwardiya ng VMall Greenhills Shopping Center, at palayain ng ligtas ang kanyang mga hostage.
Mismong si Mayor Francis Zamora ang nagtangkang makipagnegosasyon sa nag-amok na sekyu.
Samantala, naisugod na sa Cardinal Santos Medical Center ang biktimang si Ronald Velita, na officer-in-charge (OIC) na security guard ng naturang mall, na unang binaril ng suspek.
Batay sa ulat ng San Juan City Police, dakong 11:22 ng umaga nang maganap ang hostage-taking sa 2nd floor, ng Administration Building, ng VMall Greenhills Shopping Center.
Ayon kay Zamora, sa paunang imbestigasyon ng pulisya, armado ang suspek ng granada at isa sa mga hinaing umano nito ay ang hindi pantay-pantay na pagtrato sa kanila at isa sa mga demand nito ay makausap ang kanyang mga kasama.
Kaagad namang ini-lockdown ng awtoridad ang naturang mall at pinalabas ang mga kostumer doon at pinagsara ng tindahan ang mga stall owner. ELMA MORALES