VALENZUELA CITY – ARESTADO ang isang 38-anyos na security guard matapos magpanggap na pulis habang nagsasagawa ng checkpoint ang isang totoong pulis sa lungsod na ito.
Si Gani Verano Plata ng Llenado Compound, Brgy. Malinta na lasing pa nang damputin ng mga tauhan ng Valenzuela Police Community Precinct (PCP) 1 bandang alas-11:40 ng gabi sa Maysan-Paso De Blas Road, Brgy. Paso De Blas.
Sa nakarating na ulat kay Valenzuela police chief P/Col. Carlito Gaces, sakay sa motorsiklo si P/SSgt. Laude Pillajera, 41, nakatalaga sa Investigation Unit ng Valenzuela police, kasama ang kanyang kaibigan nang parahin ito ni Plata na nakusuot ng camouflage pants at cap sa kanto ng Maysan at Pase De Blas Roads.
Tinanong ni Sgt. Pillajera ang suspek kung bakit pinara sila nito at kung totoo itong pulis dahil nakasuot ng camouflage pants na buong ipinag-malaki naman ni Plata at sumigaw na siya ay isang pulis.
Para maiwasan ang komprontasyon, tumawag si Sgt. Lillajera sa Tactical Operation Center na naging dahilan upang respondehan ng mga tauhan ng PCP-1 at inaresto ang suspek na kalaunan ay inamin na hindi siya isang pulis.
Kasong Usurpation of Authority at Unjust Vexation ang isinampang kaso ng pulisya kontra sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. EVELYN GARCIA