PATAY ang isang 47-anyos na security guard matapos malunod sa isang murky na Malabon-Navotas River sa Malabon City kamakalawa ng gabi.
Si Leo Cantiga, stay-in-security guard at residente ng Blk 13, Lot 23, Ilang-Ilang St. Maligaya Park, Pasong Putik, Novaliches, Quezon City ay isinugod ng kanyang mga kasamahan at tanod ng Brgy. San Agustin sa Ospital ng Malabon matapos marekober mula sa isang murky river dakong alas-10:30 ng gabi subalit idineklara itong dead upon arrival ng kanyang attending physician.
Sa tinanggap na ulat ni Malabon police chief Col. Albert Barot, bago ang insidente, off-duty ang biktima kaya’t lumabas ito sa dockyard ng New Tech Light Rage Inc. na matatagpuan sa Arellano St. Brgy. San Agustin at nang umuwinay lasing na.
Iniulat na nakita ng duty security guard na si Dennis Garcia na habang nagpapahinga sa isang barge ay aksidenteng nahulog ang biktima sa murky river.
Humingi si Garcia ng tulong kay Rollie Catage, isa pang duty guard para kunin ang katawan ni Cantiga bago tinangkang i-revive subalit, wala itong response na naging dahilan upang humingi sila ng tulong sa mga barangay tanod saka isinugod ang biktima sa nasabing hospital.
Ani Malabon police homicide investigators SSgt. Mardelio Osting at SSgt. Ernie Baroy, dumating ang kapatid ni Cantiga na si Rogelio sa police station at nag-execute ng isang waiver na nagsasaad na hindi na sila interesado sa anumang imbestigasyon ng pulisya dahil naniniwala sila na aksidente ang pagkamatay ng biktima at walang naganap na foul play. EVELYN GARCIA