SEKYU NAMARIL NG LADYGUARD SAKA NAG-SUICIDE

suicide

LAGUNA – Magkasunod na binawian nang buhay habang ginagamot sa Ospital ng Biñan ang 41 anyos na sekyu at umano’y karelas­yon nitong Ladyguard matapos maganap ang insidente ng pamama­ril sa St. Joseph Village, Brgy. Timbao, lungsod ng Biñan, kamakalawa ng gabi.

Base sa ulat ni PLt. Col. Danilo Mendoza, hepe ng pulisya, nakilala ang biktimang si Jeralyn Lana y Remonde, 29, at suspek na si Logie Palmaera Sr. pawang mga residente ng nasabing lugar.

Sa imbestigasyon ng mga tauhan ni Mendoza, lumilitaw na dakong alas-7:30 ng gabi ng sunduin ng suspek ang biktima sa kanyang pinag­lilingkurang kompanya ng hindi inaasahang maganap ang mainitang pagtatalo ng dalawa.

Sinabi aniya ng biktima na makikipag­hiwalay na siya sa suspek matapos umanong mabuking nito na may tunay na itong asawa na labis nitong ikinairita.

Sa tindi umano ng selos at galit ng suspek, agad na nagbunot ito ng  baril at pinagbabaril ang biktima bago ito nagbaril sa kanyang sentido.

Mabilisang isinugod ng mga awtoridad sa ospital ng Biñan ang dalawa subalit minalas na bawian din ang mga ito ng buhay bunsod ng tinamong mga tama ng bala sa kanilang ulo at katawan.

Narekober ng nag­responding mga tauhan ni Mendoza ang ginamit na kalibre .38 baril ng suspek habang patuloy na inaalam ng mga ito ang posibleng motibo sa krimen. DICK GARAY