DEAD on the spot ang isang secutiry guard matapos tamaan ng bala sa naganap na barilan sa pagitan ng mga pulis at hindi kilalang armadong suspek sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Agad na binawian ng buhay si Ariel Clavido, nasa hustong gulang, security guard ng BPI Grace Park 2nd Avenue Branch, Caloocan City.
Base re report na natanggap ni Caloocan Police chief P/Col. Ruben Lacuesta, habang nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng East Grace Park Sub-Station 2 sa pangunguna ni P/Lt Jherico Pascual sa Rizal Avenue Ext., pagitan ng 2nd at 1st Avenue. Brgy. 41, dakong alas-2:10 ng madaling araw nang parahin nila ang suspek na dahil walang helmet habang sakay ng isang motorsiklo.
Sa halip na huminto ay tumakas hanggang magkaroon ng habulan at palitan umano ng putok hanggang sa makita nalang nila ang nakasibilyang biktima na nakabulagta sa gitna ng palitan ng putok.
Nakatakas ang suspek patungong Manila area, habang agad namang tumawag ang mga pulis ng ambulansya para madala ang biktima sa pinakamalapit na hospital ngunit namatay rin.
Ayon kina police investigators PSSg Aldrin Matthew Matining at PCpl Ariel Dela Cruz, nakuha ng rumespondeng mga tauhan ng NPD Forensic Unit sa crime scene ang siyam na cartridge cases, dalawang cartridges, dalawang metallic jacket fragments ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril at ang gamit na motorsiklo ng suspek.
Inaalam pa kung kaninong bala nagmula ang nakatama sa biktima. EVELYN GARCIA