PATAY ang isang security guard nang pagbabarilin ng isa sa tatlong holdaper na nangulimbat sa Bayad Center sa loob ng isang mall sa San Jose del Monte City, Bulacan pasado 7:00 ng gabi noong Oktubre 22.
Nakarinig ng limang putok ang mall goers bago nakitang bumulagta ang guwardiya na palihim na binitbit ng mga kapwa guwardiya palabas ng mall.
Nakilala ang biktima na isang “Ronnie Pascua”, may asawa, na sinasabing kapapanganak pa lamang ng kanyang maybahay.
Hinihinalang maaaring umabot sa pito katao ang mga suspek na humalubilo sa mall goers kaya’t nahirapan ang awtoridad na maaresto ang mga ito. Kinumpiska naman ng mga security personnel ang cellphone ng isang sibilyan na nagtangkang mag-video ng mga pangyayari.
“Sa opisina na lang kayo magreklamo,” wika ng guwardiya sa sibilyan na kinuhanan ng cellphone.
Naganap ang holdap sa foodcourt ng mall kung saan nakita ang isang babaeng teller na umiiyak na siyang nagturo sa isa sa mga suspek na agad kinompromta ng biktima. Pero, lingid sa sekyu, lumapit ang isang “look-out” at pinagbabaril ang biktima bago tumakas papasok sa loob ng cinema.
Sinasabing may impormasyon ang mga guwardiya na nakapasok sa mall ang mga kawatan kaya’t inalerto ang kasamahan pero hindi nila matukoy kung saan ito manghoholdap.
Pansamantalang pinigil ang paglabas ng mall goers mula sa establisimiyento habang inaantay ang puwersa ng pulisya bandang 8:00 ng gabi.
Gayunman, kumalat na agad ang video ng insidente sa social media mula sa mga aktuwal na nakasaksi sa pangyayari.
May ulat na ikalawang insidente na ito ng panghoholdap sa loob ng naturang mall kung saan nabiktima ang cash transfer center. MARIVIC RAGUDOS