SEKYU TINARAKAN NG KAARGUMENTO

saksakan

CALOOCAN CITY – NASA malubhang kalagayan ang 35-anyos na security guard matapos pagsasaksakin ng isang helper na kaniyang nakaalitan kahapon ng madaling araw.

Ang biktima na patuloy na ino­obserbahan sa Novaliches Medical Hospital sanhi ng mga saksak sa katawan ang biktimang si Edwin Guiritan, pansamantalang naninirahan sa Area C, Interville, Talipapa Brgy. 164.

Nahaharap naman ngayon sa kasong frustrated murder ang suspek na nakilalang si Jonald Caligner, 40, at naninirahan din sa nasabing lugar na nasakote sa follow-up operation ng mga tauhan ng PCP-7.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong ala-1:05 ng mada­ling araw nang magkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng biktima at ng suspek sa nasabing lugar.

Sa kainitan ng pagtatalo, naglabas ng patalim ang suspek at inundayan ng mga saksak sa katawan ang biktima bago mabilis na tumakas habang isinugod naman si Guiritan sa nasabing pagamutan. EVELYN GARCIA