SEKYU TODAS SA TEN-WHEELER TRUCK

BATANGAS- DEAD on arrival sa hospital ang isang security guard makaraang magulungan ng isang ten wheeler truck matapos na matumba ang minamaneho niyang motor sa Barangay Bugtong na Pulo, Lipa City sa lalawigang ito nitong Martes ng umaga.

Sa pahayag ni Lt.Col. Rix Supremo Villareal, chief of police ng Lipa City ay kinilala ang biktima na si Pocholo Estillero, 33-anyos , may- asawa at residente ng nabanggit na lugar.

Sa pahayag ng ilang nakasaksi sa insidente, binabagtas ng biktima ang kahabaan ng highway nang biglang mag- slide ang minamaneho nitong motorsiklo kung saan isang ten wheeler truck ang dumaraan.

Dahilan nito, nagulungan ng truck ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Agad na tinulungan ng mga netizen na madala ang biktima sa pinakamalapit na ospital subalit ideneklara itong dead on arrival ng mga attending physician.

Sinabi naman ng pamilya ni Estillero na araw- araw nitong binibiyahe ang bayan ng Malvar, Batangas mula sa lungsod ng Lipa na security guard ng isang pampublikong tanggapan.

Sinagot naman ng driver ng truck ang lahat ng gastusin ng nasawing biktima bukod pa sa kaukulang kabayaran sa naturang insidente. ARMAN CAMBE