TAON-TAON nga namang ginugunita ang Halloween. Naging tradisyon na ito ng libo-libong mga Filipino upang maipakita ang kanilang pagpupugay, pagmamahal at pag-alala sa mga kaluluwa.
Kadalasan ding nagkakaroon ng party, iba’t ibang pagkain na may temang katatakutan, at trick or treat.
Hindi lang sa Filipinas ipinagdiriwang ang Halloween ngunit kilala rin ito sa maraming bansa.
Sa Amerika, ito ang pangalawang pinakapopular na holiday. Ipinagdiriwang nila ito na may mga costume na ang tema ay hango sa current events at pop culture icons.
Samantalang sa Japan naman, kadalasan nilang ginagamit ang western-style na mga dekorasyon tulad ng jack-o-lantern sa maraming lugar.
Sa bandang Europa naman ay nagdiriwang ang ilang mga bansa doon ng Halloween. Ipinagdiriwang ito ng mga pamilya sa pamamagitan ng pagsindi ng mga kandila na tinatawag nilang “soul lights” at inilalagay sa bawat silid. Kilala rin sa kanila ang mga costume na may kaugnayan sa supernatural character.
May mga opisinang kahit na holiday ay nagtutungo sa trabaho. Kaya naman, isa sa ginagawa sa mga opisina lalo na kapag ganitong mga panahon—Halloween, ay ang paglalagay ng mga nakatatakot na dekorasyon. Kadalasang inilalagay nila ay mga zombie, skull, nakatatakot na mascara, spider at spider web at kung ano-ano pa. May ilan din na nagsusuot ng mascara at costume para lalo nilang maramdaman at maipamalas ang kahalagahan ng ganitong mga pangyayari.
Ngunit ano-ano nga ba ang naitutulong ng pagdiriwang ng Halloween sa bawat empleyado? May maganda ba itong naidudulot?
Lahat naman ay ginagawa natin para lamang hindi tamarin ang isang empleyado sa kanyang ginagawa. At ang pagdiriwang ng Halloween, pagsusuot ng costume, paggawa ng jokes at pranks ay ilan lamang paraan upang mapalapit ang loob ng bawat empleyado.
At oo, maraming naidudulot na maganda sa isang opisina ang ganitong mga okasyon at ilan diyan ay ang mga sumusunod:
MAKAPAG-RELAX AT MAGSAYA
Magandang oportunidad ang Halloween para makapag-relax at makapagsaya ang bawat empleyado nang sama-sama. Minsan nga lang naman nating ginagawa ito kaya kung may pagkakataon at panahon, mag-celebrate tayo kahit pa sabihing nasa opisina tayo.
Magandang hakbang din ito para maging malapit sa isa’t isa ang magkakasama sa trabaho. Bukod pa roon, ang paminsan-minsang pagsasaya ay nakababawas din ng pagod at pagkabagot sa trabaho.
At dahil napakaraming maaaring maitulong nito, kaya wala kayong dahilan para hindi sumali. Nakabubuhay rin ito ng loob.
NASUSUBOK ANG PAGIGING CREATIVE
Magiging masaya rin at exciting ang pagse-set ng dress code sa ganitong mga pagkakataon o okasyon. Hindi naman kailangang bumili kayo ng mahal o kung wala talaga kayong pera, maaari naman kayong manghiram o kaya naman ay gumawa ng sarili ninyong attire mula sa kung ano ang mayroon kayong gamit at damit.
Mas maganda nga kung sarili lang ninyong gawa para masubok ang inyong pagiging creative.
Kunsabagay, may ilang mga opisina na nire-require talaga nila na mag-costume ang kanilang mga empleyado. Pero kung alam naman nilang walang pambili ang mga ito, mas okey kung hasain na lamang ninyo ang kanilang kakayahan.
Kumbaga ipagbawal ninyo ang pagbili at ang dapat lamang ay mga sarili nilang gawa. Hindi na sila gumastos, naipakita pa nila ang hangganan ng kanilang kakayahan.
Magandang paraan din ito para maging creative sila sa kanilang trabaho.
NASUSUKAT ANG PASENSIYA
Kasama na sa pagdiriwang ng Halloween ay ang paggawa ng pranks at jokes. Sa ganitong paraan, masusukat ang hangganan ng pasensiya ng isang kawani. Nasusubok din ang kanilang pagiging creative sa paggawa ng sariling pranks at jokes.
Malalaman mo rin kung sino ang madaling magalit kapag napagkatuwaan sa hindi. Magandang paraan din ito upang magkapalagayan ang loob ng bawat isa. Mas nalalaman din ng bawat isa ang ugali ng kanilang kasamahan sa ganitong mga pagkakataon.
Hindi porke’t nagsasaya kayo, hindi na kayo nagtatrabaho. Kasama pa rin iyan sa trabaho. Parte pa rin iyan para magkaroon ng katiwasayan ang isang opisina. Para maging creative kayo.
Hindi rin naman dapat puro trabaho na lang ang iniisip natin.
Kung puro trabaho rin kasi ang iniisip natin at hindi tayo nagre-relax at nagsasaya kahit paminsan-minsan lang, natatamad na tayo sa ginagawa natin lalo na kung paulit-ulit na lang ang ginagawa natin sa araw-araw.
Talagang kailangan, sa kahit na anong opisina ang mga ganitong selebrasyon dahil malaki ang naitutulong nito para malinang ang kakayahan at kaalaman ng bawat empleyado.
Kaya subukan n’yo na, tiyak na marami itong maidudulot na maganda sa inyo. CT SARIGUMBA
Mga kuha ni NORMAN ARAGA
Comments are closed.