SELEBRASYON NG VALENTINE’S DAY SA OPISINA PAANO NGA BA?

VALENTINES DAY-2

NATAONG may pasok o trabaho ang Valentine’s Day ngayong taon. Kaya naman, paniguradong marami sa atin ang mas pipiliing magtrabaho bago ang magsaya. Kumbaga, tatapusin muna ang mga gampanin sa opisina bago magpasyang kumain sa labas kasama ang karelasyon o pamilya. May ilan namang matapos ang trabaho ay umuuwi na lang at nagpapahinga.

Sa totoo lang, puwede rin naman nating ipagdiwang ang Valentine’s Day kahit na aligaga tayo sa pagtatrabaho. Hindi lang naman pamilya o karelasyon ang puwede nating makasama sa pagdiriwang ng Araw ng mga Puso kundi ang ating mga katrabaho.

At upang maramdaman natin ang diwa ng Valentine’s Day kahit na nasa opisina tayo, narito ang ilan sa mga kaila­ngang gawin o subukan:

MAGPLANO NG MGA DADALHING PAGKAIN

Pagsasalo-salo, iyan ang isa sa pinakamasa­yang puwede nating gawin upang maipagdiwang ang Araw ng mga Puso sa opisina. Kaya’t bago pa lang mangyari o sumapit ang naturang okasyon ay mag-usap-usap na kayong magkakatrabaho kung ano-ano ang mga dadalhin ninyong pagkain nang mayroon kayong mapagsaluhan.

Kahit simpleng mga putahe lang ay swak na para may mapagsaluhan kayo ng inyong mga katrabaho. Para rin hindi magdoble ang mga dadalhin, magtoka-toka kayo kung sino ang magdadala ng ganito o ng ganyan.

Hindi rin naman kailangang pilitin ang mga katrabahong walang maiaambag na pagkain. Kung sino lang iyong gustong magdala, iyon lang ang pagdalhin.

HUWAG KALILIGTAAN ANG MAGDASAL AT MAGPASALAMAT

At dahil nga naman sabay-sabay kayong magsisipagkainan o pagsasaluhan ang mga dala-dala ninyong pagkain, huwag ninyong kaliligtaang magdasal at ipagpasalamat ang biyayang ibinibigay sa atin sa araw-araw.

Pag-ibig o pagmamahal ang ipinagdiriwang natin kapag Araw ng mga Puso, kaya naman gamitin natin ang okasyong ito.

Simulan na kaagad natin ang araw ng pagpapasalamat sa Poong Maylikha.

BATIIN ANG MGA KATRABAHO

Sapagkat Araw ng mga Puso, huwag na huwag ding kaliligtaang batiin ang mga katrabaho. Ang simpleng pagbati ay malaki ang nai­dudulot upang sumaya at magkabuhay ang inyong opisina.

Gamitin din ang pagkakataong ito para mawala o matuldukan ang tampuhan o inisang namamagitan sa magkakatrabaho.

Oo nga’t hindi naman talaga maiiwasan ang mga problema sa pagitan ng magkakatrabaho. Gayunpaman, tandaan nating walang mabuting naidudulot ang pagkakagalit. Kung may sama rin ng loob tayong naiipon sa dibdib, tayo lamang din ang mahihirapan.

Kaya’t ano’t anuman ang bigat na nadarama natin, pakawalan natin iyan. Kalimutan. Matuto tayong magpatawad. Matuto rin tayong hu­mingi ng tawad.

MAGBIGAY NG BULAKLAK O CARDS

Makatutulong din upang lalong tumibay ang samahan ng magkakatrabaho kung nagkakasundo ang mga ito. At ngayong Valentine’s Day, mainam din ang pagbibigay ng cards o bulaklak sa mga katrabaho.

Puwede kang gumawa ng cards at lagyan mo ng mga mensaheng ikatutuwa ng iyong katrabaho.

Hindi kailangang mamahalin ang ibibigay natin sa mga katrabaho, kahit simpleng card lang o bulaklak, makapagdudulot na iyon ng ibayong kaligayahan.

MAGING MASAYA AT MAGTRABAHO NG BUONG PUSO

Iwasan din natin ang maging malungkot sabihin mang Araw ng mga Puso at kailangan na­ting magtrabaho. Hindi kailangang nakasima­ngot ang mukha natin habang tinatapos ang mga gawain.

Maging masaya at gawin ang trabaho ng may kalakip na pagmamahal.

Oo nga’t kapag natatangi ang okasyon, nais nating makapiling ang ating mahal sa buhay. Puwede natin itong gawin matapos ang pagtatrabaho.

Ang kailangan lang natin gawin ay pumasok ng maaga nang matapos ang mga gawain. At kapag natapos na ang trabaho, maaari na tayong mag-bonding kasama ang ating pamilya at mahal sa buhay.

Isang paraan para matapos kaagad ang gawain at maging masaya ang buong araw ay ang pagngiti. Kaya, huwag sumimangot.

Nakapapangit iyan.

Hindi lang din kapag Araw ng mga Puso natin dapat na iparamdam ang pag-ibig natin sa mga taong nakapalibot sa atin, kundi sa araw-araw.

Happy Valentine’s Day!

Comments are closed.