CAMP CRAME- KINILALA ng Philippine National Police (PNP) ang pagsusumikap ng mga pulis na nagsilbing frontliner ngayong panahon ng pandemya sa kanilang paggunita sa ika-122 Taong Araw ng Kalayaan kahapon.
Sa mensahe ni PNP Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa na binasa ni PNP Deputy Chief for Administration, Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, nakasaad na bagaman ang buong bansa ay nahaharap sa krisis pangkalusugan dulot ng corona-virus, ipinamalas pa rin ng mga frontliner cop ang kanilang kadakilaan bilang tagapangalaga ng seguridad at kapayapaan.
Marami aniyang magigiting na pulis na hindi nagdalawang isip na sumabak sa giyera ng pagsugpo sa pandemya, mabilis na tumugon at maasahan sa panahon ng kalamidad at sakuna.
Ang sambayanang Filipino aniya ang saksi sa giting, kasipagan at sakripisyo ng pulisya para lamang proteksyonan ang mamamayan ngayong panahon ng krisis.
Hinimok din ni Gamboa ang mahigit 200,000 pulis na patuloy na gampanan ang tungkulin sa malinis at marangal na paraan at umiwas sa maanomalyang gawain dahil ang PNP ang pangunahing kagawaran na nagpapatupad ng batas.
Ang PNP rin aniya ang katuwang ng pamahalaan para sa pagtahak ng isang progresibong Filipinas.
GENERALLY PEACEFUL
Tinaya naman ng PNP na generally peaceful ang selebrasyon sa Araw ng Kasarinlan, bagaman may mga grupong nag-bulalas ng damdamin sa UP Diliman, De La Salle University, St. Ignatius Quezon City; Santiago City, Isabela, Baguio City, Legazpi City, at Metro Colon, Cebu City.
Nagpasalamat naman si Gamboa sa publiko sa ibinigay na kooperasyon upang maging mapayapa ang pagdiriwang. EUNICE C.
Comments are closed.