‘NAGMAMANEHO ng kaniyang sarili’ o self-driving ang kauna-unahang bus sa Pilipinas na may makabagong teknolohiyang mula sa Japan ay kasalukuyang tumatakbo sa paligid ng New Clark City, Clark Freeport Zone at Clark International Airport.
Maaaring sumakay nang libre ang mga pasahero sa self-driving na sasakyan hanggang Hunyo, 2025.
Inanunsyo ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) nitong Martes, Setyembre 10 na inilunsad ng Zenmov, Inc. at MC Metro Transport Operation, Inc. ang autonomous bus service sa New Clark City.
Ang inisyatibong ito ay kasunod ng isang memorandum of agreement na pinirmahan ng BCDA, Zenmov at MC Metro noong Oktubre 2023 pati na rin ng isang memorandum of understanding kasama ang New Energy and Industrial Technology Development Organization (NEDO) para pondohan ang mobility demonstration program ng self-driving na sasakyan hanggang Hunyo ng susunod na taon.
RUBEN FUENTES