Self quarantine sa mga deboto ng Nazareno-DOH

Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang mga deboto na nagtungo sa Quiapo Church upang makiisa sa Pista ng Poong Itim na Nazareno nitong Sabado, Enero 9, na sumailalim muna sa self quarantine.

Ito’y upang makatiyak na hindi sila nahawahan ng nakamamatay na coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa kalatas na ipinaskil ng DOH sa kanilang social media account, sinabi ng DOH na mas makabubuting obserbahan muna ng mga deboto ang kanilang mga sarili kung mayroon silang sintomas ng COVID-19.

Pinayuhan din sila ng DOH na sa sandaling makaramdam ng anumang sintomas ng sakit ay kaagad na makipag-ugnayan sa Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) sa kanilang barangay.

Anang DOH, kabilang sa mga sintomas ng sakit na dapat na bantayan ng mga deboto ay lagnat, ubo, kawalan ng panlasa at pang-amoy, pananakit ng katawan at ulo, pananakit ng lalamunan, baradong ilong, pamumula ng mata, pagtatae at pamamantal ng balat.

Mas makabubuti rin umano kung iiwasan munang makipag-ugnayan sa mga matatanda at mga vulnerable, limitahan ang galaw at bumukod ng ibang silid.

Nanawagan rin ang DOH sa mga residente ng Quiapo na obserbahan ang kanilang mga kapitbahay na nagpunta sa Simbahang ng Quiapo.
Ana Rosario Hernandez

Comments are closed.