WALANG nakikitang masama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa pagkuha ng selfie ng arawan ng ilang opisyal ng pamahalaan kasama ang dismissed Mayor na si Alice Guo.
Kumakalat ang larawan nina DILG Secretary Benhur Abalos, PNP Chief Gen. Rommel Marbil at Alice Guo na nakangiti at peace sign habang nasa Jakarta, Indonesia ang mga ito.
Umani ng batikos ang larawan dahil nagawa pa umanong magpakuha ng larawan sa isang pugante.
Ayon sa Pangulo, walang masama sa pag-selfie dahil tila nakagawian na ito ng mga Pilipino.
Sa katunayan ay binansagan pa ang Pilipinas na selfie capital of the world, kaya hindi dapat batikusin dahil lamang sa pagpapakuha ng larawan kay Guo.
Kaya para sa Pangulo hindi “big deal” sa kaniya ang nasabing isyu. Nagpaliwanag naman si Secretary Abalos Jr. tungkol sa larawan.
Ayon kay Abalos, nag-request si Guo na kausapin silang dalawa ni Chief at sinabi niya nga na mayroon siyang mga death threats. “At inassure ko siya, kami ni Chief, na ‘yung death threats ‘wag niyang alalahanin ang importante sabihin niya ang lahat ng totoo. Lahat ‘wag siyang matakot miski sino pang malalaking tao ito, at siya ay babantayan ng kapulisan,” saad ni Abalos.
“Tapos pina-document namin para lang malinaw ito. Hindi ko naman alam kung ano ‘yung ginagawa niya, nakaharap siya at syempre nakatingin ako sa camera, so ayun po ang nangyari n’yan,” dagdag pa niya.