CAMP CRAME – BAGAMAN naitala ang iba’t ibang sakuna gaya ng vehicular accident, sunog at pagkalunod, itinuturing na generally peaceful ang pagdaraos ng Semana Santa o Cuaresma.
Sa record ng Philippine National Police (PNP), mayroong 37 katao ang nasawi sa katatapos na okasyong pangrelihiyon.
Kinumpirma naman ni PNP Spokesman Col. Bernard Banac na ang nasabing bilang ng mga namatay ay dahil sa pagkalunod mula sa iba’t ibang ba-hagi ng bansa simula noong Abril 5 hanggang Abril 20.
Walo katao naman ang naiulat na namatay bunsod ng vehicular accident sa Kalinga habang 15 ang nasugatan at nagpapagamot pa hanggang ngayon.
Isang pampasaherong bus ang naaksidente rin sa Bicol Region kung saan mahigit 30 katao ang nasugatan.
Ayon kay Banac, apat na kaso ang pagnanakaw ang naitala sa buong bansa.
Maging ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay itinuring na mapayapa ang Cuaresma at walang naitalang untoward incident.
Sinabi ni NDRRMC spokesperson Director Edgar Posadas, lahat ng kanilang regional offices ay naka-blue alert magmula pa noong Maundy Thursday at masasabing naging mapayapa at “uneventful” ang buong linggong ito.
Samantala, ngayong araw ay inaasahang daragsa ang mga babalik sa Metro Manila mula iba’t ibang lalawigan kaya sisikip muli ang trapiko kaya panawagan ng PNP na maging maingat sa pagmamaneho at ikondisyon ang mga sasakyan, dagdagan din ang pasensiya upang hindi mauwi sa away ang init ng ulo. EUNICE C.