IINSPEKSIYUNIN ngayong umaga ni Mayor Francis Zamora ang San Juan City Cemetery bilang paghahanda para sa Oplan Undas 2022.
Ganap na alas-10 ngayong araw magtutungo sa sementeryo si Zamora bago dumating ang mga San Juaneño at bisitahin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay sa paggunita ng Undas.
“Nagsimula kaming gumawa ng paghahanda noon pang unang linggo ng Oktubre upang matiyak na ang lahat ng mga sistema ay nasa lugar dahil bubuksan namin ang aming mga sementeryo sa 100% na kapasidad. Nais nating panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa ating mga sementeryo sa lahat ng oras,” ani Zamora.
Nais matiyak ng lungsod na masusunod sa mga sementeryo, kolumbaryo ang pinakamababang pamantayan sa kalusugan ng publiko upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa kabila ng mataas na dami ng mga taong inaasahang darating.
Ang pagsusuot ng face mask ay boluntaryo ngunit mahigpit na ipatutupad kapag ang sementeryo ay umabot sa 50% na ang kapasidad.
Magiging ganap din ang operasyon ng mga lokal na awtoridad sa San Juan City Cemetery mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2 sa ganap na ala-6 ng umaga hanggang hatinggabi.
Ipapakalat ang mga miyembro ng San Juan Police sa iba’t ibang sementeryo at kolumbaryo upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan.
Ipinagbabawal ang pagdadala ng mga speaker at iba pang bagay na lumilikha ng ingay, mga baril at matutulis na bagay tulad ng mga kutsilyo at ice pick, ilegal na droga, at mga inuming nakalalasing.
Ang pagsusugal at pagdadala ng mga bisikleta at motorsiklo sa loob ay hindi pinapayagan.
Ang pagbebenta ng pagkain at pampalamig, bulaklak, at kandila ay papayagan lamang para sa mga binigyan ng special business permit at sa may tarangkahan lamang ng city cemetery.
“Hinihiling namin sa ating mga kababayan na San Juaneño na sundin ang lahat ng mga alituntunin at regulasyon para tayong lahat ay walang problema at makabuluhang pagdiriwang ng Undas,” anang alkalde. ELMA MORALES