ISINUSULONG ni Surigao del Norte Rep. Robert “Ace” Barbers na isailalim sa mandatory roadworthy driving seminar at actual driving test ang lahat ng mga applicant ng driver’s license, baguhan man o mga dati nang drivers.
Sa House Bill #505 na inihain ni Barbers, magiging bahagi na ng requirements sa pagkuha ng driver’s license ang pagsasailalim sa mandatory roadworthy driving seminar na pangungunahan naman ng LTO bilang isang specialized seminar na magtuturo sa mga driver ng road safety at traffic laws and regulations.
Layunin ng “Roadworthy Driving Seminar for All Drivers Act” na maitanim sa mga driver ang pagkakaroon ng disiplina at pagsunod sa batas sa lansangan.
Tinukoy ng kongresista na ang kawalan ng disiplina ng karamihan ng mga driver ang isa rin sa dahilan ng matinding traffic sa Metro Manila.
Ipinaalala pa ng mambabatas na ang pagkakaroon ng driving license ay isang pribilehiyo at hindi isang karapatan na dapat na sinusunod at pinangangalagaan ng responsableng drivers.
Kabilang naman sa mga lalamanin ng seminar na pagdadaanan ng drivers ay safety precautions, accident preventability, defensive driving at pagdadala sa mga kritikal na sitwasyon, traffic signs, markings, signals, speed at right of way requirements, Philippine traffic laws and regulations, first aid applications at basic knowledge sa pag-rescue.
Ang mga pasadong aplikante ay isasama na ang bayarin para sa seminar at actual driving test sa babayarang license fee habang ang mga babagsak naman ay kinakailangang magbayad ng P500 hanggang P1,000. CONDE BATAC
Comments are closed.