SEMIS BONUS PAG-AAGAWAN NG GREENIES, RED CUBS

Laro ngayon:
(San Andres Sports Complex)
2:30 p.m. – San Beda vs LSGH

MAG-AAGAWAN ang defending champion San Beda at CSB-La Salle Green Hills sa nalalabing twice-to-beat bonus sa NCAA juniors basketball Final Four ngayon sa San Andres Sports Complex.

Tinalo ng Greenies ang Red Cubs, 87-84, sa kanilang elimination round meeting noong nakaraang February 9.

Subalit nag-iingat ang LSGH sa San Beda, na lumilinaw ang title-retention campaign makaraang magkasunod na gapiin ang San Sebastian at Mapua upang makaabot dito sa 2:30 p.m. playoff para sa No. 2.

Babantayan si Chris Hubilla, kumamada ng 22 points, 9 rebounds, 4 steals at 2 assists sa 86-75 panalo ng Red Cubs kontra Red Robins noong Lunes, para sa Greenies.

Mangunguna sina Luis Pablo, Seven Gagate, James Ison at Rod Alian para sa LSGH, habang umaasa si Santi Romero, isa sa top defensive aces ng koponan, na makapaglaro makaraang lumiban sa huling elimination round match noong nakaraang linggo dahil sa injury.

“’Yun nga we’re looking at it as best of three against La Salle. We’re excited to play them again kasi obviously gusto namin ibawi yung pagkatalo namin sa kanila leading mga as much as 19 points, and then I think losing at the end,” sabi ni San Beda coach Miko Roldan.

“I think we’re a different team; we’re a better team now. We’re more composed, so I’m excited to play La Salle again for the number two spot,” dagdag pa niya.

Makakaharap ng elimination round topnotcher Letran, may twice-to-beat incentive, ang No. 4 Mapua aa Final Four sa Lunes sa parehong Manila venue.