SEMIS BONUS TARGET NG BLAZERS

Standings W L
*Letran 13 4
*Benilde 13 4
*San Beda 12 5
*LPU 12 6
SSC-R 8 9
Arellano 7 10
Perpetual 7 11
Mapua 6 11
JRU 6 11
EAC 2 15

*Final Four

Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
12 noon – EAC vs Arellano
3 p.m. – Benilde vs San Beda

MAGSASALPUKAN ang College of Saint Benilde at San Beda sa larong magdedetermina sa top two teams sa NCAA men’s basketball Final Four ngayon sa Filoil EcoOil Centre.

Makaraang personal na humingi ng paumanhin si John Amores sa Blazers dahil sa kanyang pagwawala, dalawang linggo na ang nakalilipas, nang dumalaw sa ensayo ng koponan noong nakaraang Sabado, sinabi ni coach Charles Tiu na nais niyang ibuhos ng kanyang tropa ang kanilang pokus at lakas sa kanilang on-going campaign.

“We’ve really tried to move forward from it already. Actually John also said that he’s apologizing na ginulo niya kami na we’re playing for something,” sabi ni Tiu. “So kami, we’ve already put that in the past. We’re just focused on our next games.”

Habang naghahanda sa kanilang unang Final Four appearance magmula noong 2002, umaasa ang Blazers na makukuha ang twice-to-beat bonus kontra Red Lions sa alas-3 ng hapon.

Ang Benilde ay kasalukuyang tabla sa defending champion Letran sa liderato na may 13-4 record, habang ang San Beda ay may 12-5 sa third place.

May 12-6 marka, ang Lyceum of the Philippines University ay wala nang tsansa na makakuha ng semifinals incentive at ang pinakamataas na puwesto ay third.

Ang panalo ng Blazers ay maglalagay sa Red Lions sa No. 4 dahil ang Mendiola-based cagers ay dalawang beses natalo sa Pirates sa eliminations.

Ang pagkatalo ng Benilde sa San Beda, na sasamahan ng panalo ng Letran kontra sibak nang Jose Rizal University sa huling araw ng eliminations bukas ay magpupuwersa sa playoff sa pagitan ng Blazers at ng Red Lions para sa nalalabing twice-to-beat slot sa susunod na linggo.

Umaasa ang Benilde na maduplika ang 78-69 panalo laba sa San Beda sa first round.

Tatapusin ng also-rans Arellano University at Emilio Aguinaldo College ang kanilang season sa unang laro sa alas-12 ng tanghali.