Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. – Converge vs San Miguel
6:45 p.m. – NLEX vs Ginebra
SIMULA na ang bakbakan sa quarterfinals ng PBA Governors’ Cup.
Tangan ang twice-to-beat advantage, sisikapin ng Barangay Ginebra at San Miguel Beer na kunin ang semifinal berths kontra NLEX at Converge, ayon sa pagkakasunod.
Haharapin ng Gin Kings ang Road Warriors sa alas-6:45 ng gabi matapos ang salpukan ng Beermen at FiberXers sa alas-4:30 ng hapon sa Araneta Coliseum.
Isa itong rematch ng Ginebra at NLEX sa kanilang semifinal clash sa nakaraang Governors’ Cup na napagwagian ng Kings bago tinalo ang old rival Meralco sa finale.
Bilang titleholder, liyamado ang Ginebra kontra NLEX, ngunit may mga alalahanin si coach Tim Cone, kabilang ang kanilang depleted lineup minus Japeth Aguilar at LA Tenorio.
Subalit kumpiyansa ang Kings na kaya nilang lumaban.
“I think we just got to focus more down the stretch. We’re a veteran team, so I think we should have been smarter,” sabi ni Gin Kings import Justin Brownlee, pinanghinayangan ang kanilang pagkatalo sa TNT noong Biyernes.
“The biggest thing there was turnovers. We got more rebounds. We shot a good percentage. We shared the ball pretty well – we’re close to about 30 assists. Overall, I think we did a great job. But that last portion of the fourth quarter, that really hurt us,” dagdag ni Brownlee.
Sa likod ng closing run, pinataob ng TNT Tropang Giga ang Kings, 114-105, at kinuha ang quarters top spot versus No. 8 Phoenix Super LPG.
Ang Kings ay nagkasya sa No. 3 spot (8-3) upang maisaayos ang duelo sa No. 6 Road Warriors (7-4).
Tinapos naman ng Beermen ang elims na may 9-2 kartada sa ikalawang puwesto habang ang FiberXers ay may 6-5 sa ika-7 puwesto.