SEMIS TARGET NG HOTSHOTS, FUEL MASTERS

PBA Commissioner's Cup Season 48

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)

4 p.m. – Phoenix vs Meralco

8 p.m. – Magnolia vs TNT

SIMULA na ang bakbakan sa PBA Commissioner’s Cup quarterfinals ngayong Miyerkoles.

Makakaharap ng Phoenix Super LPG Fuel Masters, na nakakuha ng twice-to-beat advantage sa unang pagkakataon magmula noong 2020, ang Meralco Bolts sa curtain-raiser sa alas-4 ng hapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Gayunman, ang Meralco ay hindi pipitsugin sa kabila na sasalang bilang lower-seeded team sa pagitan ng dalawang koponan.

Tulad ng tropa ni Jamike Jarin, ang Luigi Trillo-led squad ay nagposte rin ng 8-3 record  sa pagtatapos ng eliminations at papasok sa  postseason na galing sa 109-102 panalo kontra  Terrafirma Dyip sa kanilang huling elimination round assignment.

May pagkakataon ang Phoenix na pumasok sa playoffs bilang no.2 seed, subalit nabigo sila sa TNT Tropang Giga noong Linggo para mahulog sa no.4.

Sa kabutihang-palad, maaaring sabihin ng Fuel Masters na may kakayahan silang malusutan ang Bolts dahill tinalo nila ang Meralco, halos isang linggo pa lamang ang nakalilipas.

“We’re gonna work our butts off,” sabi ni Jarin.

“We have to double our efforts. If they’re gonna come in at 100 percent, we should come in at 120,” sabi pa niya.

“The key is for us to play playoff basketball. We have to throw everything at them, pati kitchen sink, kumbaga.”

Samantala, sisikapin ng TNT ni coach Jolas Lastimosa na masilat ang best elimination team ng liga, ang Magnolia Chicken Timplados Hotshots.

Kinumpleto ng Tropang Giga, kasunod ng kanilang panalo sa Phoenix, ang Final Eight squads para mapanatiling buhay ang kanilang kampanya para sa Commissioner’s Cup crown, at sasandal sila kina returning Jayson Castro at RR Pogoy, gayundin kay sweet-shooting rookie Kim Aurin upang pataubin ang top seed.

Target naman ng Hotshots na agad umusad sa semifinals sa tulong ng kanilang twice-to-beat incentive.

Magsasagupa ang Magnolia at TNT sa main game sa alas-8 ng gabi.

CLYDE MARIANO