SEMIS TARGET NG ROAD WARRIORS, TROPANG GIGA

Mga laro ngayon:

Araneta Coliseum:

3 p.m. – NLEX vs Alaska

6 p.m. – TNT vs Ginebra

PUNTIRYA ng NLEX at TNT na makausad sa semifinals sa magkahiwalay na laro sa PBA Governors’ Cup ngayong Miyerkoles sa Araneta Coliseum.

Tangan ang twice-to beat-advantage, haharapin ng Road Warriors at Tropang Giga ang Alaska Aces at Barangay Ginebra Kings, ayon sa pagkakasunod, sa pagsisimula ng quarterfinals.

Nakatakda ang salpukan ng NLEX at Alaska sa alas-3 ng hapon na susundan ng duelo ng TNT at Barangay Ginebra sa alas-6 ng gabi.

Hindi naman natitinag si Alaska coach Jeffrey Cariaso sa bentahe ng katunggali at sinabing nakapokus ang kanyang tropa na mahila ang bakbakan sa deciding game sa Sabado.

“I think naman, regardless kung sino man kalaban namin, we know it’s always gonna be a tough fight lalo na knowing you have to beat them twice,” sabi ni Cariaso. “But again your focus has to be on the first game, on Wednesday.”

Maging si NLEX coach Yeng Guiao ay aminado na mas mahirap talunin ngayon ang Alaska kaysa sa kanilang nag-iisang elimination round encounter na napagwagian ng Road Warriors, 106-89, noong nakaraang Feb. 23.

Inanunsiyo ng Alaska na ang conference ay magiging huli na para sa franchise at naniniwala si Guiao na magiging karagdagang motibasyon ito para sa  Aces.

“Alaska would certainly like to go out in a blaze of glory, ‘ika nga. So it’s a big motivation to have coming into the game,” ani Guiao.

“That means it’s going to be high intensity, they’re going to be very aggressive,” added Guiao. “So we’re going to have to carve out a win. Hindi na iyan kamukha ng unang laro namin. It’s going to be a lot closer.”

Nagpadagdag sa alalahanin ni Guiao ang katotohanang sumailalim ang kanyang koponan sa ilang malaking pagbabago sa nakalipas na mga linggo, kung saan napunta si Jericho Cruz sa free agency at kinuha si Justin Chua mula sa Phoenix Super LPG.

Gayunman, ang pinakamalaking adjustment na kailangang gawin ng Road Warriors ay ang paglalaro kasama si Cameron Clark, na pumalit kay original import KJ McDaniels na kinailangang bumalik sa US dahil manganganak ang kanyang asawa.

Sa mahigit isang linggo magmula nang magsimulang mag-ensayo si Clark, nakakita si Guiao ng ilang positibong senyales mula sa dating  Oklahoma standout. Subalit hindi sapat ang mga ito para mapawi ang agam-agam ni Guiao.

“Hindi pa namin alam kung paano siya mag-pe-perform,” paliwanag ni Guiao. “Si KJ subok na, alam na alam mo na kung ano ibibigay sa iyo. Itong si Cam, although we’re seeing good things in practice, hindi mo pa rin alam kung ano ibibigay sa iyo come game time.”  CLYDE MARIANO