Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
4 p.m. Phoenix vs Magnolia
8 p.m. – Ginebra vs San Miguel
SIMULA na ang umaatikabong bakbakan sa best-of-five semifinals ng PBA Commissioner’s Cup ngayong Miyerkoles sa Araneta Coliseum.
Maghaharap ang Phoenix at Magnolia sa unang pares ng Final 4 showdown sa alas-4 ng hapon, habang magsasalpukan ang San Miguel Beer at Barangay Ginebra sa ‘clash of titans’ sa alas-8 ng gabi.
Na-split ng corporate siblings ang huling apat na PBA Commissioner’s Cup titles.
Galing ang Beermen sa anim na sunod na panalo habang sumasakay ang Gin Kings sa momentum ng five-game streak.
Tinapos ng dalawang koponan ang one-round-robin elims na may 8-3 kartada at kapwa kinuha ang mabilis na one-win route para makapasok sa semifinals.
Nagharap ang dalawang koponan sa Governors’ Cup semis noong nakaraang taon kung saan winalis ng Kings ang injury-hit Beermen sa tatlong laro.
Subalit namayani ang Beermen laban sa Kings, 95-82, sa kanilang elims face-off sa torneo. At mas malalim ang bench ngayon ni coach Jorge Gallent at may mas eksplosibong import sa katauhan ni Bennie Boatwright papasok sa semis.
Higit na nababahala si Ginebra coach Tim Cone sa kung paano haharapin ang Boatwright-June Mar Fajardo pair.
“It’s a dilemma all teams will have to figure it out and we’re going to try and figure it out. If we can’t, we’re not going to win the series,” sabi ni Cone.
Tiyak na magiging mabigat ang trabaho nina Christian Standhardinger, Japeth Aguilar at Tony Bishop, gayundin si Scottie Thompson at ang iba pa sa Ginebra backcourt.
Subalit kahit paano ay nagkaroon ang Kings ng improvement sa kanilang rotation sa pagdagdag kay Maverick Ahanmisi at sa pagbabalik ni LA Tenorio.
Sa kabila nito, ang katanungan ay kung matatapatan nila ang lakas ng San Miguel, lalo na’t nariyan ang lahat ng lethal weapons ng SMB, mula kay CJ Perez, hanggang kina Terrence Romeo at Jericho Cruz, at iba pa.
Hindi rin dapat balewalain ang averages ni Boatwright na 40.5 points, 12.5 rebounds, 4.0 assists at 42.5 minutes kada laro. Samantala, si Bishop ng Ginebra ay may averages naman na 23.6 points, 12.6 rebounds, 3.4 assists at 42.4 minutes.
Samantala, naisaayos ng Phoenix Super LPG at Magnolia ang kanilang semis showdown makaraang pataubin ang Meralco at TNT, ayon sa pagkakasunod, sa quarterfinals
Pinataob ng Fuel Masters ang No. 5 Meralco Bolts sa deciding game ng kanilang quarterfinal series nito lamang Linggo upang kunin ang kanilang ikatlong semis stint.
“The fairy tale continues,” sabi ni Phoenix coach Jamike Jarin, ilang sandali matapos ang naturang laro makaraang malasap ng kanyang tropa ang 106-117 triple overtime loss sa Bolts sa pagsisimula ng duelo.
“We’re not supposed to be here. At the start of the conference nobody predicted we’d be in the top four,” dagdag ni Jarin. “But we’re not just happy to make it to the semifinals. We will continue to play harder and, hopefully, things fall our way and we’ll win some games.“
Sinibak naman ng top-seeded Hotshots ang eighth-ranked TNT Tropang Giga noong nakaraang linggo, na nagbigay sa tropa ni coach Chito Victolero ng sapat na panahon para makapaghanda sa inaasahang mabigat na best-of-five series.
CLYDE MARIANO