SEMIS ‘WARS’ SISIKLAB NA (Beermen vs Kings; ‘Tropa’ vs E-Painters)

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
5 p.m. – San Miguel vs Ginebra
7:30 p.m. – Rain or Shine vs TNT

ASAHAN ang umaatikabong bakbakan sa pag-arangkada ng best-of-seven series ng PBA Governors’ Cup semifinals ngayong Miyerkoles sa PhilSports Arena.

Maghaharap ang San Miguel Beer at Barangay Ginebra sa unang laro sa alas-5 ng hapon habang magsasagupa ang Rain or Shine at TNT sa main game sa alas-7:30 ng gabi.

Ang Elasto Painters-Tropang Giga duel ay face-off sa pagitan ng elims top seeds kaya asahan ang mainit na bakbakan, tampok ang salpukan ng dalawang master tacticians.

“We’re playing a tough team and they’re the defending champions,” wika ni Rain or Shine coach Yeng Guiao.

“The only way we can go deeper into the playoffs is if everyone on the team really elevates their game. What got us here will not get us to where we want to be,” sabi ni TNT counterpart Chot Reyes.

Higit na magiging kapana-panabik ang laro dahil ito ang unang paghaharap ng Elasto Painters at Tropang Giga sa torneo.

Ang Rain or Shine ang topnotcher mula sa Group B laban sa San Miguel Beer, Barangay Ginebra, NLEX, Blackwater at Phoenix Super LPG. At pagkatapos ay tinalo ng E-Painters ang Magnolia Hotshots sa quarterfinals.

Samantala, ang TNT ang nanguna sa Group A versus Meralco, Converge, Magnolia, NorthPort at Terrafirma.

Pagkatapos ay pinataob ng Tropang Giga ang Road Warriors sa quarters.

Bagama’t hindi pa sila naghaharap sa torneo, kilala nila ang bawat isa, kung paano mag-operate ang isa, ang kanilang strong points, ang kanilang comfort zones at ang kanilang weak spots.

Hindi maitatago na ang Elasto Painters ay sumasandal sa kanilang high-octane running game habang sandigan ng Tropang Giga ang kanilang depensa na sinamahan ng outside shooting mula kina Calvin Oftana, RR Pogoy at Rey Nambatac.

Si Aaron Fuller at ang kanyang ROS teammates ay may average na 108.3 points dahil lagi silang nasa attack mode habang si Rondae Hollis-Jefferson at ang kanyang TNT pals ay may 89.4 points lamang at laging nasa isip ang depensa.

Sina Fuller at RHJ ay malaki rin ang pagkakaiba.

Ang ROS import ay halimaw sa low block habang ang TNT reinforcement ay mapanganib kung ang bola ay manggagaling sa labas, gigibain ang kanyang defenders sa kanyang crafty maneuvers.

Sina Hondae-Jefferson, Oftana, Pogoy at Nambatac ang top guns ng TNT habang sina Fuller, Jhonard Clarito at Adrian Nocum ay leading scorers ng ROS subalit may iba pang E-Painters na nakahandang mag-step in anumang oras.

At iyan ang nagbibigay sa E-Painters ng bentahe sa unpredictability lalo na’t si Guiao ay walang regular set ng starting five. Subalit maaari itong tumbasan ng Tropang Giga mula iba pang fronts.

Samantala, naisaayos ng Beermen at Kings ang kanilang semifinal showdown makaraang dispatsahin ang Converge FiberXers at Meralco Bolts, ayon sa pagkakasunod.

Kinailangan ng San Miguel ng limang laro kontra Converge upang kunin ang huling semis berth noong Linggo habang nakumpleto ng Ginebra ang three-game sweep sa Meralco sa kanilang sariling last eight series noong nakaraang Sept. 30.
CLYDE MARIANO