HANDA si Senator Christopher “Bong” Go na muling ihain ang panukalang batas na nagsusulong na muling buhayin ang death penalty para sa ilang heinous crimes o karumal-dumal na krimen, sa susunod na kongreso.
Matatandaang noong Hulyo 2019, isinulong ni Go ang Senate Bill No. 207 na naglalayong muling buhayin ang capital punishment para sa illegal drugs at kasong plunder ngunit bigo itong maipasa sa 18th Congress. “Anyway, we can file it again if we want.
Itong SB 207, reinstating the death penalty for certain heinous crimes involving dangerous drugs and plunder,” ani Go, sa isang ambush interview matapos ang kanyang monitoring visit sa Malasakit Center saDavao Oriental Provincial Medical Center sa Mati City.
Binigyang-diin ni Go na ang reinstatement ng death penalty ay alinsunod sa krusada ni Pang. Rodrigo Duterte laban sa ilegal na droga, kriminalidad at korapsiyon, dahil makatutulong ito upang magdalawang-isip ang mga kriminal na gumawa ng krimen.
“Ang kampanya po ni Pangulong Duterte laban sa droga, kriminalidad at korapsyon sa gobyerno ay dapat ipagpatuloy. Sayang po ‘yung gains na ginawa natin,” paliwanag ni Go.
“‘Pag bumalik po ang droga, babalik na naman po ang korapsyon at kriminalidad. Kasi makokorap na naman ‘yung tao ‘pag nandyan ‘yung droga.”
“‘Pag hindi takot ‘yung tao sa mga awtoridad, makokorap na naman, balik ang droga, balik ang kriminalidad.
Sayang po ‘yung inumpisahan ni Pangulong Duterte,” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng panukalang batas ni Go, ang mga drug-related crimes at plunder o pandarambong o illegal na pagkakamal ng kayamanan ng isang opisyal ng pamahalaan na lampas sa P50 milyon ay may katapat nang parusang kamatayan.
Nanindigan rin si Go na ang kampanya ng administrasyong Duterte laban sa korapsiyon, ilegal na droga at krimen, ay nakapagpahusay sa peace and order sa bansa at nagpahintulot sa paglago ng mga negosyo at komunidad.
“So, ako naman po, napatunayan naman po in the last six years, tingnan ninyo mas nakakalakad po ang inyong mga anak pauwi sa inyong bahay na hindi nababastos at hindi nasasaktan. Dahil po iyan sa ginawa ng Administrasyong Duterte,” aniya pa.
“Ako, ipu-push ko pa rin. I will still push for it (death penalty_. Pero ang tanong ay kung susuportahan ng 23 (na iba pang) senador sa susunod na kongreso,” aniya pa.