SEN. GO: BE RESPONSIBLE LICENSED GUN OWNERS

PINURI ni Senadppor Christopher ‘Bong’ Go, vice chairman ng Se­nate Committee on Public Order, ang ginawang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Republic Act No. 11766, na nagpapalawig sa vali­dity period ng lisensiya at rehistro ng mga baril ng mula dalawa hanggang lima o 10 taon.

Ang RA 11766 ay ni-release noong Mayo 17.  Inamyendahan nito ang RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Sa ilalim ng naturang batas, ang rehistro ng armas ay dapat na i-renew kada lima o 10 taon, sa opsiyon ng licensee.  Samantala, ang permit to carry firearms outside of residence (PTCFOR) ay balido naman sa loob ng dalawang taon mula sa petsa nang pagka-apruba sa aplikasyon, maliban na lamang kung kaagad itong binawi o sinuspinde.

Ayon kay Go, alam ng Pangulo kung gaano kahalaga ang kaligtasan ng bawat isa, kaya’t ngayong ipinatupad aniya ang batas na ito ay inaasahan nilang mas darami pa ang mas responsable at mga law-abi­ding licensed gun owners.

“Nakikiusap din po ako na mas maging res­ponsable sa paghawak ng baril at tandaan po natin na importante ang buhay ng bawat Pilipino,” paalala pa ni Go.

Nanawagan din ang senador na huwag samantalahin ang pagkakaroon ng baril. “Pakiusap po sa lahat, maging res­ponsableng gun owner po tayo. At dapat po ay magkaroon kayo ng firearm safety training bago po bumili kayo ng baril,” aniya.

“Ang batas na ito ay isinatupad para sa kaligtasan ng bawat isa. Kaya sa lahat ng gun owner po sa bansa, maging res­ponsable at gamitin ang pagmamay-ari ng baril sa tamang paraan,” dagdag pa ni Go.

Nabatid na nakasaad sa naturang batas, na ang mga taong ikinukonsi­derang nasa ilalim ng ‘imminent danger’ dahil sa uri ng kanyang propes­yon, trabaho o negos­yo, ay exempted na sa pagkuha ng threat assessment certificate, bilang isa sa mga rekisitos para sa pagkuha o pag-renew ng lisensiya.

Kabilang dito ang mga abogado, accoun­tants, media practitioners, cashiers at bank tellers, pari, mi­nisters, rabbi, imams, physicians at nurses, engineers, mga negosyante na lantad na maging target ng mga criminal elements, elected incumbent at mga dating opisyal, at aktibo at retiradong sundalo at pulis.