SEN. GO, NANAWAGAN SA ELECTRIC COMPANIES NA HUWAG MUNANG MAMUTOL NG KORYENTE

Bong Go

NANINIWALA  si Senator Christopher ‘Bong’ Go sa pamunuan ng Manila Electric Co. (Meralco) at iba pang electric companies sa bansa, na solido ang malasakit sa maliliit na consumers at umaasa na hindi na muna mamumutol sa hindi pa nakapagbayad ng kanilang utang sa nakonsumong koryente simula nang magsimula ang panahon ng COVID-19 pandemic, at pag-aralan ang posibilidad na palawigin pa ang kanilang no disconnection policy para sa mga ito.

Ang panawagan ay ginawa ni Go, kasunod na rin ng pag-iisyu na ng Meralco ng disconnection notices sa kanilang mga consumer, na hindi pa naka-kapagbayad ng kanilang pagkakautang sa koryente.

“Muli po akong nananawagan sa Meralco na kung maaari ay ‘wag muna nilang putulan ng koryente ang mga kababayan nating hindi pa maka-pagbabayad, lalo ‘yung wala talagang mapagkunan ng pambayad,” apela ng senador. “Huwag natin pahirapan ang karaniwang tao na wala talagang pambayad dahil walang kabuhayan ngayon. Wala na nga makain, mawawalan pa ng koryente. Konting puso naman sa panahon kung kailan naghihirap ang ating mga kababayan. Magmalasakit tayo sa ating kapwa Pilipino.”

Kasabay nito, hinimok din ni Go ang pamahalaan na pag-ukulan ng pansin ang naturang isyu at iprayoridad ang kapakanan ng mga ordinaryong mamamayan sa pamamagitan nang paghahanap ng paraan at iwasan nang dagdagan pa ang mga pasanin ng mga tao na hirap na ngang idaos ang kanilang pang-araw-araw ng pamumuhay.

“Ilang buwan nating pinagbawalan ang karamihan na makapagtrabaho at maghanapbuhay. Ilang buwan din natin silang pinilit na manatili lang sila sa kanilang mga bahay. Hindi na nga makabili ng pagkain, paano pa ba yan makakabayad ng kuryente,” anang senador.

Matatandaang ang no-disconnection policy ng Meralco ay magtatapos sana noong Disyembre 31, 2020, ngunit pinalawig pa ito ng hanggang katapusan ng Enero, ngunit marami pa ring mga mamamayan ang hindi makapagbayad ng utang dahil sa kawalan ng pagkukunan ng pera.

Kaugnay nito, patuloy namang umaapela si Go sa mga pribadong sektor na tumulong upang mabawasan ang pasanin ng mga ordinaryong mamamayan, bilang bahagi ng kanilang kontribusyon sa pagbabayanihan para malampasan natin ng samasama ang krisis.

Comments are closed.