Nanawagan si Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Trade and Industry (DTI) at iba pang ahensiya na magtulungan para mabigyan ng pagkakakitaan o pangkabuhayan ang mga nawalan ng trabaho dahil sa coronavirus disease o COVID-19.
“Umaapela tayo sa DOLE at ang DTI at iba pang mga ahensiya na magtulungan para gumawa ng mga paraan kung paano matutulungan ang milyon-milyong Pilipinong mawawalan ng trabaho dahil sa pandemyang ito,” ayon sa pahayag ni Go.
“Sa ngayon pa lang, marami nang business ang nagsara at dahil dito, marami na ring Pilipino ang nawalan ng trabaho,” dagdag pa ng senador.
Giit ni Go, ang paglobo ng kawalan ng trabaho ay posible ring makaapekto sa ekonomiya kung hindi maaagapan ng pamahalaan.
Kamakailan ay iniulat ng DOLE na aabot na sa 2.6 milyong Pinoy ang nawalan ng trabaho dahil sa virus.
Iginiit din ni Go na malaki ang maitutulong ng kanyang programa at ng pamahalaan Balik Probinsya, Balik Pag-asa (BP2) program, para sa mga apektado ng krisis.
“Marami pong mga kababayan natin na nagtatrabaho dito sa Kamaynilaan para lang may maipadalang pera sa kanilang pamilya sa probinsya ang nadala na at gusto nang umuwi dahil sa krisis na dulot ng COVID-19,” ani Go.
“Ito po ang rason kung bakit ko ibinahagi ang inisyatibong Balik Probinsya para mabigyan ng bagong pag-asa ang ating mga kababayan. Wala pong pilitan ito. ‘Yung mga gusto pong bumalik na sa probinsya, tutulungan po kayo ng gobyerno na magsimula muli sa paraan na ligtas at makakabuti sa inyo at sa komunidad na inyong babalikan,” dagdag niya.
Comments are closed.