(Sen. Go sa gobyerno)SMUGGLERS KASUHAN, IKULONG

MULING nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na iprayoridad ang kapakanan ng maliliit na magsasaka at agricultural workers kung saan binigyang-diin niya ang pangangailangan na sugpuin ang agricultural smuggling, na may masamang epekto sa kabuhayan ng Filipino farmers sa buong bansa.

Ito ay makaraang ibunyag ng farmers’ organization Samahang Industriya ng Agrikultura kamakailan na sa kasalukuyan ay may 20 agri product smugglers ang aktibo sa bansa, na ilegal na nag-aangkat ng puti at pulang sibuyas, bigas at frozen meat products.

“Ang apela ko po sa (Bureau of) Customs, Department of Agriculture, executive department, unahin n’yo po ang kapakanan ng local farmers,” pahayag ni Go sa isang ambush interview makaraang personal na ayudahan ang mga residente sa Pandi, Bulacan noong Lunes, December 12.

“Hulihin n’yo po ang mga smuggler, panagutin, kasuhan. Hindi lang kasuhan, ikulong po kung dapat ikulong,” dagdag pa niya.

Nakiusap si Go para sa mabilis na legal action sa mga ilegal na gawain nang sa gayon ay maparusahan ang mga responsable.

“‘Dapat ikulong ‘yung mga nananamantala at proteksiyunan natin ang kapakanan ng ating local farmers,” pagbibigay-diin pa ng senador.

“Kasi kapag naproteksiyunan natin ang local farmers, dalawa po iyan. Ibig sabihin natulungan natin sila, nabigyan natin ng hanapbuhay, trabaho at may laman po ang kanilang tiyan,” dagdag pa niya.

Muli ring pinaalalahanan ni Go ang pamahalaan na bigyang-prayoridad ang kapakanan ng Filipino farmers, na bago pa man pumutok ang COVID-19 pandemic ay hirap na sa buhay.

Hinikayat niya ang kanyang mga kapwa public officials na umaksiyon para maiwasan ang pinsala sa local farmers sa pamamagitan ng pagbasura sa illegal importation ng pagkain at iba pang agricultural products.

“Huwag po nating pabayaan na lumusot itong mga smuggler dahil itong mga smuggler na ito, mayayaman naman itong mga ito at nakikinabang po ang mayayaman at hindi ang mahihirap,” ani Go.

“Hulihin po ang mga smuggler. Unahin natin ang kapakanan ng mahihirap, local farmers po ang tulungan natin,” dagdag pa niya.