AABOT sa P118-bilyon ang tinatayang maililibre sa buwis ng Aerocity project ng San Miguel Corp. na pag-aari ni Ramon S. Ang sa loob ng 50 taon na hawak nito ang prangkisa para sa construction, operations at maintenance ng 2,500 ektaryang airport facility sa lalawigan ng Bulacan.
Sa plenary deliberations sa Senado kahapon, Setyembre 30, ay dumepensa ang chairperson ng Committee on Public Services na si Senadora Grace Poe sa pagsabing taumbayan pa rin umano ang may malaking pakinabang sa pagbibigay ng prangkisa sa San Miguel Aerocity Incorporated para sa pagtatayo ng international airport kahit pagkalooban pa umano ito ng tinawag ng mga kumokontra na sobra-sobra at nakakalulang tax exemptions.
Binigyang-diin ng senadora sa kanyang pag-endorso ng panukala na ang pagtatayo ng isang bagong paliparan ay hindi lamang tungkol sa kinabukasan at sa halip ay obligasyon na matagal na dapat ginawa.
“Ang kakayahan ng mga paliparan na lumikha ng trabaho at magpayabong ng turismo ay mahalaga lalo na ngayong tayo’y lubhang apektado ng pandemya,” paliwanag ni Poe.
Sinabi pa ng senadora na sa sandaling maaprubahan ang prangkisa ay agad nang sisimulan ang konstruksyon at inaasahang matatapos sa loob ng 12 taon.
Makalipas naman ang 50 taon o sa pagtatapos ng bisa ng prangkisa ay itu-turn over umano na sa gobyerno ang paliparan nang walang gastos.
Kinumpirma ng senadora na sa loob ng sampung taong konstruksyon ay exempted ang SMC Aerocity sa lahat ng direct at indirect taxes at fees na tinatayang aabot sa P38-bilyon at sa natitirang 40 taon ay exempted na lamang ito sa income at property taxes na tinatayang aabot naman sa P2-bilyon kada taon, o kabuohang P118-bilyon sa loob ng 50 taon na siyang nakapaloob sa prangkisa na inaprubahan na ng Kamara at ngayon ay hinihimay naman ng Senado para sa pag-apruba nito.
Pansamantalang itinigil ang interpelasyon kay Sen. Poe upang ipagpatuloy umano sa Lunes, Oktubre 5, kung kailan nakatakdang haharapin naman ng senadora ang mga pag-usisa ng dalawang miyembro ng oposisyon na sina Risa Honteveros at Francis ‘Kiko’ Pangilinan.
Inaasahan namang lulutang ang iba’t ibang advocacy group bago tuluyang maisabatas ang prangkisa upang ibunyag ang tinawag na ‘undue favor’ na ibinibigay ng Kongreso sa pribadong negosyo na nagmamalaking “walang gastos ang gobyerno sa Bulacan airport project.”
“Walang gastos ang gobyerno? Eh, ano ang tawag sa libreng buwis na umaabot ng bilyon-bilyong-piso?” Tanong ng Filipino League of Advocates for Good Governance.
Nauna rito ay lantaran na ring nanawagan ang Action for Economic Reforms sa mga senador na ibasura ang sobra-sobrang tax exemptions na ibinibigay sa SMC Aerocity sapagkat labag umano ito sa patakarang pananalapi ng gobyerno at taliwas sa interes ng naghihirap na mamamayan nito lalo na ngayong panahon ng pandemya.
“Malinaw sa panuntunan ng gobyerno na hindi dapat ikompromiso ang public funds, kinita na o kikitain pa lamang. sa pagseguro o pagsuporta sa mga bayarin para sa tax at regulatory compliance ng pribadong negosyo,” pahayag ng FLAGG.
Nakasaad din sa panukala na bukod sa buwis na ipapataw pagkatapos mabawi ng airport ang puhuhan, mayroon ding share ang pamahalaan sa kikitain ng paliparan na sosobra sa profit margin nitong 12 porsiyento.
Malaking tulong din, ayon kay Poe, ang itatayong palirapan upang mabawasan ang pagsisiksikan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Magiging daan din para mabigyan ng trabaho ang maraming Filipino, kabilang na ang mga nagbabalik-bayang OFWs para sa konstruksiyon ng paliparan.
Comments are closed.