SEN. ROBIN PADILLA AT SEN. BONG GO TULOY-TULOY ANG SERBISYO-PUBLIKO

KAHIT abala sa kanyang trabaho sa Senado, umiikot si Sen. Robin Padilla sa iba’t ibang lugar para gampanan ang malaki at malawak niyang mandato sa taumbayan.

Sa katunayan, kamakailan ay binisita ni Padilla, chairman ng Senate Cultural Communities and Muslim Affairs Committee, ang Filipino-Muslim community sa bayan ng Lingayen sa Pangasinan.

Kahit maiksi, naging makabuluhan naman ang pagbisita ng senador sa lalawigan.

Pinaunlakan niya ang naging imbitasyon ni Lingayen Mayor Leopoldo Bataoil upang siya ay makadaupang-palad ng mga kapatid nating Muslim doon..

Aba’y bakas sa mukha ng mga kabilang sa komunidad ang tuwa nang dumating ang senador sa Limahong Tourism Center kasunod ng sandaling pagbisita at pag-iikot sa Capitol Complex.

Inihirit naman ni Bataoil kay Padilla na isama sa kanyang mga “priority projects” ang pagtatayo ng isang multi-purpose building para sa mga Muslim-Christian Filipinos sa bayan.

Bukod dito, sinaksihan din ng senador ang pamamahagi ng food packs ng Ligayen LGU sa ating mga kababayan doon.

Samantala, kahit senador na siya, nakakapag-ikot pa rin si Senador Bong Go at ang kanyang team sa iba’t ibang lugar sa bansa, na ginagawa na niya kahit noong hindi pa siya senador.

Kamakailan, dumayo sa Antipolo City, Rizal ang team ni Go para magkaloob ng tulong sa 1,700 na mga mahihirap na estudyante sa lugar.

Kung hindi ako nagkakamali, si Philip Salvador ang naging kinatawan ni Go sa ikinasang relief efforts, katuwang ang tanggapan ni Gov. Nina Ricci Ynares.

Hindi lang personal na tulong mula kay Go kundi nakakuha rin ng financial assistance ang mga benepisyaryo mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ipinaalala rin ni Go sa mga residente na kung kailangan nila ng tulong medikal ay lumapit lang sa Malasakit Center na nasa Antipolo City Hospital System Annex IV na nasa Mambugan, Antipolo City; Bagong Cainta Municipal Hospital sa Cainta; Margarito A. Duavit Memorial Hospital sa Binangonan, o kaya’y sa Casimiro A. Ynares Sr. Memorial Hospital sa Rodriguez.

Matagal nang inisyatibo ni Go ang “Bisyo Ang Magserbisyo” kung saan naghahatid ito ng tulong sa mga mahihirap nating kababayan sa iba’t ibang dako ng bansa.

Mabuhay po kayo, mga bossing, at God bless!