KUMPIYANSA si Senador Panfilo Lacson na sa dakong huli ay magkakasundo rin ang dalawang kapulungan ng Kongreso para tuluyan nang maisabatas ang 2019 national budget.
Ito’y sa harap ng magkakasalungat na pahayag ng mga mambabatas mula sa Kamara hinggil sa umano’y pagbawi ng kanilang enrolled bill sa naratipikahan nang batas na nais pang singitan ng samu’t saring proyekto na hindi naman kabilang na naaprubahan.
Sa panayam ng DWIZ kay Lacson, sinabi niyang dapat na manaig kung ano ang nasasaad sa Konstitusyon at iyon aniya ang kanilang pangangatawanan at igigiit.
“Sa ngayon, ang guidance ni Senate President ang aming susundin at kung ano ‘yung sa batas, kung ano ‘yung tama doon kami siyempre,” pahayag ni Lacson.
Inamin din ng senador na nagkausap muli sila ni San Juan Rep. Rolando Zamora na miyembro ng three man panel at muli nitong tiniyak sa kaniya na positibong tinanggap ng kampo ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang pagbawi sa kanilang enrolled bill.
“Nai-relay na namin sa kanya at mukhang na-relay niya na rin kung ano ‘yung pinaka-baseline namin na hanggang doon lang kami. Mukhang positive naman, receptive naman daw doon sa side ni Speaker Arroyo. So magandang panimula ‘yun, basta kami maliwanag yung aming panuntunan,” ani Lacson. DWIZ882
Comments are closed.