HINDI napigilan ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Rep. Joey Salceda na pasaringan ang Senado at ikumpara ang ginawang paggasta nito ng bilyong piso para makalipat at makapagpapagawa ng modernong Senate Building sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City habang pinanghihinayangan nitong gastusan ang pagtatatag Department of Disaster Resilience (DDR) na siyang pangmatagalang solusyon sa problema sa panahon ng kalamidad na pakikinabangan ng mas maraming Filipino.
Ayon kay Salceda, nakapasimple ng argumento sa DDR at makikita rito ang kanya kanyang priorities ng bawat isa, aniya, nasa P2B lamang ang pondong kakailanganin para sa reorganisasyon ng bubuuing DDR malayo sa halos P10B na halaga ng ipinatatayong gusali ng Senado.
“Gastos din pala ang paglipat sa BGC, sige mas unahin na nila yun,” pasaring pa ni Salceda.
Muling lumakas ang panawagan sa pagtatag ng DDR, ang ahensiyang tututok sa panahon ng kalamidad, matapos na rin ang pananalasa ng Bagyong Rolly sa Bicol na ikinasawi ng 20 katao at nasa P5.8B ang nasirang impraestruktura.
Ang pagtatatag ng DDR na isa sa priority measures ni Pangulong Rodrigo Duterte ay aprubado na sa Kamara sa ilalim ng liderato ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano gayunpaman nanatili itong nakabinbin sa Senado at tinututulan nina Senators Panfilo Lacson at Dick Gordon sa katwirang walang pondong pagkukuhaan ng pagbuo pa ng panibagong ahensiya.
Iginiit ni Salceda na permanenteng solusyon ang kailangan para mabawasan ang epekto ng mga kalamidad sa bansa kaya isinusulong ng Kamara na palitan ang NDRMMC na isa lamang council at palitan ng DDR na magiging isang permanent agency.
Inihalimbawa ng mambabatas ang nangyari sa Supertyphoon Yolanda na 9 na taon na ang nakalipas mula nang manalasa ito ngunit hindi pa natatapos ang rehabilitasyon dahil kung kani-kaninong ahensiya inaasa ang pangangasiwa rito na malayo kung may DDR na magsisilbing primary agency na magiging responsable sa paghahanda sa mga sakuna, habang nahaharap ang bansa sa sakuna at pagkatapos ng sakuna.
Iginiit ni Salceda na ang ginagawang pagpigil ng Senado sa pagbuo ng DDR ay maling mali.
Ang tinutukoy ni Salceda naSenate Building na gagastusan ng P10B ay 11 storey tower na matatagpuan sa 1.8 hektartang Navy Village na pinangangasiwaan ng Bases Conversion Development Authority (BCDA).
Una nang ipinagtanggol ni Lacson ang malaking pondo ng Senate Building na malaking katipiran kumpara sa umuupa ang Senado ng P171M kada taon sa GSIS.
Comments are closed.