TINIYAK ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na mananatiling tapat ang Senado sa kanilang salita kasabay ng pagbibigay importansya sa prinsipyo ng transparency at accountability sa gitna ng usapin ng pag-amyenda sa Konstitusyon.
Ipinaliwanag ni Villanueva na ang pagsasagawa ng mga pagdinig at imbestigasyon ay bahagi ng trabaho ng Senado kasama ng iba pa nitong responsibilidad na partikular ang kanilang oversight duties.
Patutsada pa ng Senate majority leader na napagsasabay-sabay nila ang kanilang mga responsibilidad dahil hindi naman sila busy sa paggawa ng mga resolusyon na sumusuporta sa kanilang Senate President o kay Senador Imee Marcos na nangunguna sa imbestigasyon kaugnay sa People’s Initiative.
Sa Senado aniya alam nila kung ano ang tama at hindi na kailangan ng mga resolusyon ng pagsuporta dahil malinaw na ang kanilang paninindigan sa liderato at sa institusyon.
Binigyang-diin pa ni Villanueva na malinaw na ang Senado ay tunay na may isang salita partikular sa pagsunod sa napagkasunduan sa liderato ng Kamara na isusulong ang resolution para sa pag-amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas.
Muli ring tiniyak ng sendor sa publiko na hindi nila mamamadaliin ang anumang proseso sa kanilang kapulungan at susundin ang kanilang timetable upang matiyak na mapapakinggan ang lahat ng panig.
Tiniyak din niya na hindi sila magsasagawa ng anumang cover-ups at pinangangalagaan nila ang highest standards of integrity kasabay ng pahayag na patuloy silang magiging vigilante at babantayan ang anumang banta sa kanilang institusyon.