NAKAHANDA na ang Senado sa pagbubukas ng sesyon ngayong araw, Lunes ( Mayo 4) matapos ang Lenten break.
Ito ay kahit na nanganganib ang kalusugan dulot pa rin ng banta ng corona virus disease ( COVID-19), kinakailangang pisikal na dumalo ang mga senador sa unang araw ng sesyon.
“Delikado or hindi, ‘yun bang pagtanong natin ng delikado, tinatanong natin ‘yung guwardiya sa mga hospital, ‘yung mga health workers, ‘yung mga nagde-deliver ng pagkain, takot ba sila? Tapos sasabihin itong mga senador, hindi gawin ang trabaho nila, eh mandato ng Constitution ‘yun na magkaroon kami ng legislative calendar at sundin namin ito,” giit ni Senate President Vicente Sotto III.
Ani Sotto, hindi siya sang-ayon na isagawa ang unang araw ng sesyon sa pamamagitan ng teleconferencing dahil kinakailangan munang mag-convene para aprubahan ang rules of the Senate
” So, ang remedyo na naiisip nu’ng iba is mag- teleconferencing daw pero puwedeng gawin ‘yun pagkatapos naming mag- convene at mag-approve ng rules namin na papayagan na namin ‘yun. Kailangan muna tawagin ko ito, iko-convene ko ito ng a-kuatro, pagkatapos ay ia-approve namin ‘yung baguhin ‘yung rules namin na payagan ang teleconferencing, ” diin ni Sotto.
Binigyang diin ni Sotto, kinakailangan pa ng publication bago pa man maipatupad ang aprubadong rules of the Senate para sa pagsasagawa ng sesyon sa pamamagi-tan ng teleconferencing.
Mahalaga ayon kay Sotto ang presensiya ng mga senador sa pagbubukas ng sesyon dahil may mga mahahalagang usapin na kinakailangan nilang talakayin.
“Mahalaga ‘yung physical presence doon lalo na ang Senate President kahit pa delikado nila sabihin nila kasi meron kaming mga, yung Section 21 and Section 41 na gustong galawin ng aming mga kasama lalo na ni Majority Leader Zubiri, ni Migz, gusto niyang ayusin ‘yun, meron pang mga dapat galawin doon kung mag teteleconferencing kami,” ani Sotto
” Kasi nasa rules namin yung agenda kung ano ang gagawin, ‘yung national prayer, national anthem, ‘yung kailangan officially nandoon yung mace, tapos yung referrence of business, ang daming dapat gawin sa Lunes kaya kailangan muna mag rereferrence of business pa kami para pag-usapan itong mga dapat pag-usapan,” dagdag pa nito.
At kung sakaling maaprubahan na ang rules, papayagan na rin ang committee hearings sa pamamagitan ng teleconferencing.
Gayunpaman, tiniyak ni Sotto na paiiralin ang safety measures na kung saan maghihigpit ang Senado sa mga senador at empleyado na papasok dahil hindi lamang isasailalim sa thermal scanner kundi may disinfectant din sa sapatos, elevator at iba pa.
Gayundin, ang lahat ng papasok sa loob ng Senado ay kinakailangang sumailalim sa rapid test.
Ang rapid test ay maihahalintulad sa pregnancy test, pero dugo ang ginagamit para ma-detect kung naka-develop na ang katawan ng antibodies laban sa virus. VICKY CERVALES
Comments are closed.