NAPIKON si Senador Raffy Tulfo sa pang-iisnab ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Mel Robles sa imbitasyon kaugnay sa imbestigasyon sa Senado.
Ayon kay Tulfo, mistulang napaka-importante ng mga taga -PCSO para patuloy na hindi nito pansinin at hindi daluhan ang pagdinig ng Senado.
Tinalakay ng Senate Committee on Games and Amusement ang Resolution No. 253 – Integrity and Trustworthiness of the Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Lotto Games at Resolution No. 466 – Prize Fund Tax Remitted by the Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Tanging sina Atty. Maria Katrina Nicole Contacto ng Office of the General Manager at John Derek Porciuncula, Manager Legal Department ng PCSO.
Himutok pa ni Tulfo, kung hindi pa umano siya nag-privilege speech at pina-subpoena ang mga opisyal ng PCSO, wala ni isa sa kanila ang dadalo sa pagdinig.
“Kung hindi pa ako nagbanta na magpi-privilege speech at ipapapa-subpoena kayo, hindi pa kayo aatend. May umattend nga, dadalawa lang,” ani Tulfo.
Humingi naman ng paumanhin si Contacto sa hindi pagdalo ni Robles at iba pang opisyal ng PCSO.
Nauna rito, tatlong beses na itinakda ang pagdinig ng komite at sa tuwing pinadadalhan ng imbitasyon si Robles at iba pang opisyal ng PCSO, magpapadala naman sila ng liham na nagsasaad na hindi sila makakadalo sa pagdinig.
“Anong meron sa PCSO samantalang lahat ng agencies ng gobyerno ‘pag pinapatawag ng Senado pumupunta. Kayo sa PCSO hindi. Ano’ng meron sa inyo? What makes you so very special. Ngayon wala dito ang boss n’yo,” diin ni Tulfo. VICKY CERVALES