SENADO IPOPOKUS ANG IMBESTIGASYON SA PAGTAKAS NG PDL

TUTUTUKAN  ngayon ng Senado kung paano nakatakas sa national penitentiary ang napaulat na nawawalang person deprived of liberty (PDL).

Ginawa ni Senator Francis Tolentino, chairman ng Committee on Justice and Human Rights, na nagsasagawa ng imbestigasyon, ang pahayag kasunod ng muling pagdakip kay Michael Angelo Catarejo, ang nawawalang PDL, sa Angono, Rizal.

“Matutuon ngayon ang hearing ng Senate Committee on Justice and Human Rights kung paano nakatakas si PDL Michael Cataroja at kung ano ang naging kapabayaan ng [Bureau of Corrections] sa hearing sa Martes, August 22, 2023,” ani Tolentino.

Wala pang opisyal na paliwanag ang Bureau of Corrections (BuCor) kung paano nakatakas si Cataroja sa NBP.

Iniutos na ni BuCor director general Gregorio Catapang Jr. ang imbestigasyon sa pagtakas ni Cataroja sa bilangguan.

Ang 25-anyos na si Cataroja ay nakulong sa NBP dahil sa paglabag sa Anti-Fencing Law, ayon sa nagbitiw na NBP Superintendent Angelina Bautista.

Ang kanyang pagkawala ay humantong sa inspeksyon ng septic tank ng NBP. LIZA SORIANO