(Senado kinalampag) PAG-APRUBA SA ‘PERMANENT EVACUATION CENTERS BILL’ UNAHIN

KASABAY ng pinangangambahang pananalasa sa bansa ng panibagong ‘super typhoon’, nanawagan si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na maaprubahan na ang ‘Permanent Evacuation Centers Bill’, na matagal nang ipinasa sa Kamara subalit ang ‘counterpart measure’ nito ay nakatengga pa rin sa Senado.

“Sa lakas ng Supertyphoon Betty ay malamang na di lang libo-libong Filipino ang maapektuhan nito at baka umabot pa sa milyon. Nakakalungkot na cinertify as urgent ni Pangulong Marcos Jr. ang Maharlika Investment Fund pero ang panukala tulad ng Permanent Evacuation Centers bill na halos isang dekada na nang unang ipanukala ng Bayan Muna ay ‘di pa din nagiging batas, samantalang makakapagligtas ito ng buhay ng napakarami nating kababayan,” ang mariing pahayag ng lady House Deputy Minority leader.

“Even now schools and covered courts are the ones being used for evacuation centers. This will of course disrupt the learning of students and these structures are most often not designed to be disaster resilient,” dagdag pa niya.

Ayon kay Castro, sa ilalim ng consolidated House Bill 7354, ang bawat city at municipality sa bansa ay tatayuan ng evacuation center bilang pansamantalang matutuluyan ng mga indibidwal o pamilya na lumikas sa kani-kanilang bahay dala ng disasters, calamities, o iba pang emergency events.

Sinabi pa ng lady lawmaker na unang inihain ng party-list Bayan Muna ang nasabing panukala noong 16th Congress at nai-refile sa sumunod na mga Kongreso hanggang sa ito ay lumusot sa third and final reading sa 18th Congress subalit walang naging tugon dito ang Senado.

“We hope that now, Malacanang and the leadership of the Senate would heed our call to expedite the passage of a similar bill and Malacanang should classify the bill as urgent,” hirit ni Castro. ROMER R. BUTUYAN