NABAHALA si Senador Risa Hontiveros sa mga ghost scholar sa scholarship program ng Commission on Higher Education (CHED) sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act o Republic Act 10931.
Ito ay matapos makatanggap ang kanyang tanggapan ng mga reklamo mula sa mga estudyante.
“Almost 400 students have sent complaints to my office that they have not received their education subsidy. Kasama dito, may mga reklamo na may mga ‘ghost scholars’ na nakakatanggap ng tuition reimbursement ng mga estudyante na naka-graduate na. So kung hindi ang mga bata, sino ang totoong nagka-cash in? Seryosong alegasyon ito na kailangan imbestigahan ng CHED,” sinabi ng mambabatas.
Sa Senate budget hearing ng CHED, kinuwestyon din ni Hontiveros ang CHED sa sira nitong Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng UniFAST, CHED, at Development Bank of the Philippines (DBP) na humantong sa P1 bilyong naka-park na pondo mula noong 2019 at napigilan ang pagpapatupad ng programa.
“Alam ni’yo naman na may problema sa MOA pero bakit hindi niyo ibinalik agad sa National Treasury ang P1 billion na nakalaan para dito? Hindi barya-barya ang pinag-uusapan dito. Naibalik ni’yo na ba ang naka-park na P1 Billion na ito sa National Treasury? Ano namang nangyari sa interest earnings nito?
Mayroon pa bang ibang mga naka-park na pondo para sa libreng edukasyon na naka-tengga lang?” tanong ni Hontiveros sa CHED.
“Up to three years ang backlog ng CHED sa pag-release ng pera sa mga estudyante. Nasaan ang pondo?” dagdag pa ng senadora. LIZA SORIANO