IKINAGULAT ni Sen. Koko Pimentel ang naging kapasiyahan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) na magbitiw ang mga opisyal
ng Philippine National Police (PNP) na may ranggong koronel hanggang heneral para masugpo umano ang mga pulis na sangkot sa ilegal na droga.
Hindi makapaniwala si Pimentel sa naging desisyon ng DILG chief sa pagsasabing marami naman ang mga PNP official na maituturing na tapat sa tungkulin o matitinong mga pulis.
Nauna na ring sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalos na ang pagbibitiw sa pwesto ng mga pulis na may ranggong koronel at heneral dahil ito lamang ang paraan para magkaroon ng “fresh start” sa pulisya.
“Lumalabas na mayroong mga generals, mayroong mga koronel na sangkot sa droga at ayon sa recommendation ng chief PNP at ng ilang kapulisan, ako ay nananawagan sa lahat ng full colonel hanggang sa general, ako ay umaapela na mag-submit ng courtesy resignation. Alam kong mabibigla kayo pero this is the only way to make a fresh start,” ani Abalos.
Dagdag pa ng kalihim, mahihirapang magtrabaho ang mga awtoridad kung mismong kabaro umano nila sa PNP ay may koneksiyon sa droga.
Ginamit ni Abalos na halimbawa ang ikinasang operation noong Oktubre 8 na nagresulta sa pagkakasabat sa halos isang tonelada ng shabu na nagkakahalaga ng higit P6.5 bilyon na nag-ugat sa pagkaaresto ng isang intelligence operative ng Drug Enforcement Group. LIZA SORIANO