SENADO NANERMON SA BAWAS BUDGET SA DOH

Minority Leader Franklin Drilon

SINERMUNAN ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang opisyal ng Department of Budget and Management (DBM) sa isinagawang budget hearing ng Department of Health (DOH) sa Senado para sa susunod na taon.

Pinuna ni Drilon ang ginawang pagtapyas ng DBM sa health facilities enhancement program (HFEP) na dating P30 bil­yon ay ginawang P50 mil­yon.

Ani Drilon, bakit kaila­ngan na bawasan ito ng DBM na mas higit na kaila­ngan ng mga kababayang may sakit sa mga barangay.

Paliwanag ni DBM Assistant Director Jane Abella, ibinaba nila ang pondo mula P30 bilyon hanggang P50 milyon dahil sa mababang performance ng DOH sa ilalim ng HFEP noong 2017 at hindi naging maganda ang utilization nito.

Kaya’t tanong ni Drilon sa pagdinig kay Abella kung ito ba ay parusa sa DOH dahil hindi naging maganda ang performance sa pagpapatupad ng HFEP na ang magdurusa rito ay ang mga kababayan partikular na ang mga mahihirap.

Paliwanag ni Drilon sa DBM ang “budget is only an authority.” Aniya, hindi dapat ginagamit ang authority na bawasan ang budget dahil sa hindi lamang naging maganda ang performance ng DOH.

Nanindigan si Drilon na ipaglalaban ng mga senador na maibalik ang pondo ng HFEP ng DOH upang mapagsilbihan ng maayos ang kalusugan ng mga kababayan.

Umabot naman sa P141.8-B ang budget ng DOH para sa taong 2019  subalit hindi pa ito inaprubahan ng mga senador dahil nais na taasan pa ang budget ng naturang ahensiya.  VICKY CERVALES

Comments are closed.