SINIMULAN ng Senado ang imbestigasyon sa pagkamatay ng fraternity-related hazing ng Adamson University student na si John Matthew Salilig.
Pinangunahan ng committee on justice and human rights at public order and dangerous drugs ang pagdinig matapos ang privilege speech ni Senate President Juan Miguel Zubiri noong Miyerkoles, Marso 1.
Sinabi ni Senador Francis Tolentino, na nanguna sa pagdinig, na hindi nilalayon ng mataas na kapulungan na magsagawa ng parallel investigation sa pagkamatay ni Salilig.
“What we will do here is to fine-tune the law. Help us craft an amendment that will really give teeth to the law,” ayon kay Tolentino.
Iginiit pa ni Sen. Raffy Tulfo na “hindi sapat” ang Anti-Hazing Law.
“We have to provide it with more teeth to make fraternities, sororities and organizations involved in hazing more responsible, and to make those who had the chance to prevent these deaths liable,” dagdag pa niya.
Matatandaang nakita ang labi ni Salilig noong Pebrero 28, sampung araw matapos ang ulat na siya ay nawawala. Ito ay pagkatapos niyang dumalo sa initiation rites ng Tau Gamma Fraternity.
LIZA SORIANO