NANINIWALA ang ilang senador na seryoso si Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero na ayusin ang nagaganap na katiwalian sa ahensiya.
Ayon kay Senate President Vicente Tito Sotto III, ngayon lamang siya nakarinig na nagbanta ang Customs chief sa mga tauhan nito na huwag gagamitin ang pangalan nito sa katiwalian sa ahensiya.
Naniniwala si Sotto na seryoso si Guerrero sa pagbabanta nito na lilinisin ang hanay ng Customs. Pinanghahawakan naman ni Senador Chiz Escudero ang pahayag ni Guerrero para matakot ang mga taga-Custom na nagbabalak muling gumawa ng katiwalian.
Umaasa si Escudero na pinag-aaralan na ni Guerrero ang labas-pasok ng mga transaksiyon sa BOC upang hindi ito mapaikot ng mga corrupt sa loob ng ahensiya.
Duda naman si Senador Francis Kiko Pangilinan kung susuportahan talaga ng Malacañang si Guerrero na masawata ang korupsiyon sa Customs.
Kinuwestiyon ni Pangilinan, kung seryoso ba talaga ang Palasyo na habulin ang malalaking sindikato ng droga na nasa likod ng ilang ulit na pagpuslit ng tone-toneladang shabu sa BoC na hanggang ngayon ay wala pa ring lead sa mga taong nasa likod nito. VICKY CERVALES
Comments are closed.