SENADO TIWALANG WALANG MABABAGO SA KASUNDUAN SA PAGBUWAG SA ROAD BOARD

tito sotto

TIWALA si Senate President Vicente Tito Sotto III na kahit palitan si House Majority Leader Rolando Andaya, hindi maapektuhan ang napagkasunduan sa pagitan nila ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ukol sa pagbuwag ng road board.

Ito ang naging reaksiyon ni Sotto sa pangamba ng ilan matapos na  magbitiw si  Andaya bilang House Majority Leader.

Ayon kay Sotto, sa naganap na pagpupulong si Zubiri ang kinatawan ng Senado at si Andaya naman sa Kamara na kung saan napagkasunduan na kilalanin ang paninindigan na ina-dopt na ng Senate ang House bill version ukol sa pagbuwag sa road board at may ilang amendments din na napagkasunduan gaya ng makokolekta sa road users tax ay ipapasok sa National Treasury o sa General Appropriations Act at dapat ilista kung saan gagamitin ang pondo.

Nilinaw pa ni Sotto sa naturang pagpupulong na  si Zubiri ang boses ng Senado at si Andaya naman ang tumayong boses ng Kamara.

Dahil nitong  nakaraang linggo pa napagkasunduan ang nasabing panukala, kaya kung sakaling palitan man si Andaya ay hindi na maapektuhan ang natu­rang kasunduan.

Kahapon ay inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala para sa tulu­yang pagbuwag sa Road Board.

Sa ilalim ng panukala, pinabubuwag ang ahensiya at ang naunang panukalang inihain para palitan ang orihinal na pitong members ng Road Board ng 3 Powerful Road Board Kings na pamumunuan ng mga kalihim ng DPWH, DOTR at DENR.

Ilalagay naman sa General Fund ang nakolektang P45 billion mula sa Motor Vehicles Users Charge (MVUC) o road users tax na nakapaloob sa 2019 budget.

Gagamitin ang halagang ito para sa repair, rehabilitation at reconstruction ng mga kalsada, tulay, drainage systems gayundin sa mga naapektuhan ng kalamidad.

Mananatili pa rin naman ang MVUC at isasama ito sa taunang General Appropriations Act. VICKY CERVALES, CONDE BATAC