SENADOR NAALARMA SA GAMIT NA ARMAS AT MGA BALA NG ABU SAYYAF AT MAUTE

Senador Win Gatchalian-3

LABIS na naalarma si Senador Win Gatchalian sa nakumpiskang armas at mga bala mula sa mga supplier ng Maute group at Abu Sayyaf.

Nagulat ang senador dahil ang nakumpiskang mga armas ay dapat sanang gamit ng mga sundalo ngunit ibinebenta sa rebeldeng grupo at terrorist group.

Ayon kay Gatchalian, nakababahalang isipin na ang mga baril at ba­lang gamit ng mga rebelde at terorista upang maghasik ng lagim ay mismong mga baril at bala pala na dapat ay nasa kamay ng Sandatahang Lakas.

Kasabay nito, pinuri naman ng senador ang PNP sa pagkakaaresto sa mag-asawang Edgardo Medel and Rosemarie Medel sa NLEX nitong araw ng Linggo matapos na makatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen.

Agad na nagsagawa ng buy bust operation ang mga pulis na nagpanggap na buyer mula sa rebeldeng grupo.

Kasama ng mag-asawang supplier ng armas sa Maute group at Abu Sayyaf ang kanilang tatlong anak nang maaresto at ngayon ay  nasa kustodiya na ng mga kaanak ng suspek sa Gapan City, Nueva Ecija.

Nanawagan naman si Gatchalian sa AFP na imbestigahan ang naturang insidente at papanagutin ang kasabwat sa loob ng AFP sa pagpapalabas ng nakumpiskang 12,893 rounds na bala para sa dalawang M-60 light machine guns na nakumpiska rin ng mga pulis nang araw na iyon.

Dagdag pa ng senador na huwag hayaan ng AFP na mamatay ang mga sundalo sa sariling bala ng sandatahang lakas.   VICKY CERVALES

Comments are closed.