(Senador nanindigan) PH BASIC EDUC ISARA SA FOREIGN INVESTMENT

NANINDIGAN si Senador Sonny Angara na hindi dapat buksan sa mga dayuhan ang basic education ng Pilipinas upang protektahan ang nasyonalismo sa basic education system.

“Sinisiguro natin na hindi bubuksan sa foreign investors ang basic education. Marami sa resource persons natin ang nagbanggit niyan. Marami sa kanila ang nagsabi na hindi dapat buksan,” ani Angara sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Resolution of Both Houses No. 6 na pinamumunuan ng kanyang subcommittee.

Reaksyon ito ng senador matapos magpahayag ang Department of Education na tutol sila sa pagpapatupad ng foreign ownership sa sistemang pang-edukasyon sa bansa, partikular ang anila’y pag-amyenda sa Paragraph 2, Sec. 4, Article 14 ng Saligang Batas.

Ayon kay Angara, napakahalagang maprotektahan ang values at national identity ng mga Pilipino kaya wala sa intensiyon ng pagdinig na buksan sa foreign investment ang basic education.

“Sa simula pa lang ng educational institutions session, sinabi na namin na hindi natin intensiyon dito na buksan ang basic education dahil malaki ang pagpapahalaga natin sa values formation, nationalism at iba pang katangian ng mga Pilipino, tulad ng inyong mga nabanggit,” pahayag ng senador kay DepEd Assistant Secretary Francis Cesar Bringas.

Aniya, binigyang-linaw na niya noon pang mga unang araw ng pagdinig na magpo-focus lamang sila sa panukalang buksan sa foreign investment ang higher educational institutions. Matatandaan na personal niyang ipinaglalaban na kailangang full Filipino ownership ang basic education.

Nauna rito, nagpahayag si Bringas na hindi  pabor ang DepEd sa panukalang payagan ang foreign entities na magkaroon ng kontrol at pamamahala sa educationl institutions sa bansa sapagkat aniya, maaaring magdulot ito ng malaking problema sa mandato ng departamento.

Ikinabahala ng DepEd na maaaring maging tulay ng mga dayuhan sa pagkontrol at pangangasiwa sa educational institutions ang phrase na “unless otherwise provided by law”. Posible anilang maging basehan ito ng foreign entities upang makapamuno sa Philippine educational institutions na pag-aari ng mga Pilipino.

Nababahala rin ang DepEd na bukod sa scope of control over education, maaari ring maging malaking banta sa seguridad ng bansa kung papayagan ang mga dayuhan dahil maaaring maimpluwensiyahan ng mga ito ang educational institutions ng Pilipinas.                      

VICKY CERVALES