SENADOR SA DENR: SIGURUHING HINDI MASASAYANG ANG WHITE SAND SA MANILA BAY

Win Gatchalian

PINASISIGURO ni Senador Sherwin ‘Win’ Gatchalian sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magtatagal at hindi masasayang ang ilalagay na white sand sa Manila Bay.

Sa panayam ng DWIZ882, sinabi ni Gatchalian na sa tingin niya’y nais lamang ng DENR na gawing kaaya-ayang tignan ang Manila Bay.

“Tingin ko naman intensyon ng DENR ay maganada. Pagandahin itong Manila Bay lahat naman tayo gusto natin makitang maganda, malinis at maayos po ang Manila Bay,” ani Gatchalian

Kaya’t payo ni Gatchalian, siguraduhin lamang ng  DENR  na magtatagal ang proyektong ito at hindi mag-wawash-out dahil kung hindi ay baka maharap ang ahensiya sa patong-patong na reklamo dahil sa laki ng pondong ginamit nito.

“Kaya nga ang payo ko sa DENR na siguraduhin nila na tatagal ito nang matagal na matagal dahil kung mawala iyan siguradong may katakot-takot na demanda ang aabutin ng ahensya kasi nasayang po ang pera,” pahayag ni  Gatchalian sa panayam ng DWIZ

Ang white sand na itinambak sa dalampasigan ng Manila Bay ay mga pinulbos na dolomite rocks mula sa Cebu na bahagi ng Manila Bay Beach Nourishment Project ng DENR na nagkakahalagang P349 milyon.

Nauna rito nanawagan si DENR Undersecretary Benny Antiporda sa publiko, na pangalagaan at huwag tambakan ng basura ang Manila Bay.

Comments are closed.