SENATE BILL 2149: ITAAS ANG PARUSA SA MGA NAGPAPANGGAP NA PULIS O SUNDALO

NAGHAIN ng panukalang batas ang chairperson ng Senate committee on national defense na si Senator Jinggoy Estrada na nagsasaad na ang sinumang sibilyan na mahuling nakasuot ng uniporme ng pulis o militar ay dapat patawan ng mas mabigat na parusa. Ang nasabing opensa ay maaaring prision mayor o pagkabilanggo ng anim hanggang sampung taon.

Ang nasabing panukalang batas ni Estrada ay mas matindi pa sa kasalukuyang batas sa ilalim ng Article 179 ng Revised Penal Code kung saan arresto mayor o isang buwan at isang araw hanggang anim na buwan lamang ang parusa sa pagiging impostor na pulis o sundalo.

Ayon kay Estrada, ang kasalukuyang parusa ng Article 179 ng revised Penal Code ay hindi na akma sa mga uri ng krimen sa mga pagpapanggap na sundalo o pulis na kriminal sa kanilang mga biktima.

“The current penalty under Article 179 of the Revised Penal Code is not commensurate to the kind of offense committed and the damage that may be incurred to the victim” ayon sa pahayag ni Estrada.

Dagdag pa ni Estrada na “Mas mabigat na parusa ang dapat kaharapin nila dahil hindi lamang nila dinungisan ang imahe ng ating mga alagad ng batas, paglapastangan din ito sa disiplina, organisasyon at kahusayan ng mga taong nanumpa ng katapatan sa bandila, sa publiko at sa bansa,”.

Hindi ko personal na kilala si Estrada. Marahil ay hindi rin niya ako kilala. Subalit nadaanan ko lamang ang kanyang istorya sa isang pahayagan.

Bagama’t maganda ang intensiyon ng kanyang panukalang batas, marahil ay dapat bigyang pansin din natin ang mga naglipanang tindahan sa paligid ng Camp Crame at Camp Aguinaldo na nagbebenta ng mga pekeng uniporme ng pulis at sundalo. Kasama na rin ang mga aksesorya ng mga pulis at militar tulad ng sinturon, sapatos, silbato, helmet, sombrero at marami pang iba na maaaring mabili ng isang indibidwal upang magmukhang pulis o sundalo ang isang nagpapanggap na sibilyan.

Eh bakit napapayagan o hinahayaan ito ng mga opisyal ng Camp Crame at Camp Aguinaldo? Bakit nabibigyan ng business permit ng Lungsod ng Quezon o San Juan?

Hindi magiging epektibo ang nasabing panukalang batas ni Estrada kapag patuloy ang pagbebenta ng nasabing mga pekeng uniporme. Hindi ito nalalayo sa kampanya laban sa iligal na droga. Kung patuloy ang pagbebenta nito sa merkado na walang mahigpit na kampanya laban dito, hindi tayo mauubusan ng mga adik sa lansangan na nagsasagawa ng iba’t ibang krimen dulot sa pagiging lango nila sa droga.

Dapat ay isama rin ito sa kanyang panukalang batas o kaya ay maghain ng imbestigasyon ukol sa maluwag na pagbebenta ng mga pekeng uniporme sa paligid ng Camp Crame at Camp Aguinaldo. Ano sa palagay ninyo?